HIHILINGIN NG DTI SA MANUFACTURERS: ‘WAG MUNA MAGTAAS NG PRESYO

Undersecretary Ruth Castelo

HIHILINGIN ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga local manufacturer na panatilihin ang kasalukuyang presyo ng ilang piling produkto sa susunod na anim na buwan.

Inihayag ni DTI Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo, gagawa ng request ang pamahalaan sa manufacturers ng canned sardines, canned meat, coffee, milk, noodles, at condiments upang ipag­paliban na muna ang pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto.

“Kung puwede sana, six months—abot hanggang early next year. Kung hindi naman, siguro pinakamaiksi na nating mahihingi sa kanila, three months,” giit ni Castelo.

Ayon naman kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. President Steven Cua na magtataas lamang ng presyo ang mga local retailer kapag may sapat na dahilan.

“There are other inputs na walang kinalaman sa cost of goods, kasi tagabenta lang kami ng mga goods,” ani Cua.

“Pero kung ang cost of labor nagtaas, magtataas rin sila [manufacturers] sigurado, at kailangan rin namin magtaas. Saan namin huhugutin ‘yung pangsuweldo sa mga tao?” dagdag pa nito.

Nauna rito, inilabas ng Philippine Statistics Authority na nitong nakaraang buwan tumaas ang consumer prices sa bansa ng hanggang 5.7 porsiyento.

Idinagdag pa ng PSA, ito raw ang pinakamabilis na inflation rate sa nakalipas na limang taon.

Comments are closed.