(Hihilingin sa Korte Suprema) MASS TESTING SA DRIVERS, OPERATORS

Jeepney driver

NAKATAKDANG makiisa ang mga opis­yal at mga miyembro ng  militant transport group na Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) sa pagsasampa ng petisyon sa Korte Suprema upang obligahin ang gobyerno na harapin ang usapin ng mass testing sa kanilang hanay, contact tracing at epektibong paggamot sa mga positibong kaso ng COVID-19 para solusyonan ang pandemya.

“Kaalinsabay ng panawagang balik-pasada ang pagsisiguro sa kaligtasan at kalusugan ng mga driver na makikipag-sapalaran sa kalsada para sa ha­napbuhay,” saad ni Ka Mody Floranda, pangulo ng Piston.

“Isinasaalang-alang rin natin ang kaligtasan ng mga commuter na gagamit ng pampublikong transportasyon,” wika pa nito.

Magugunitang matapos arestuhin ang Piston 6 sa Caloocan noong Hun­yo 2, sila ay nalagay sa peligro dahil sa pag-sisiksikan sa kulungan.

Nabatid na dalawa sa kanila ang nagpositibo sa COVID-19 at ngayon ay tuloy-tuloy na nagpapalakas sa tulong ng donasyon at suporta ng mabubuting loob.

“Kung tutuusin, hindi dapat manggaling muli sa bulsa ng taumbayan ang pagsalo sa testing at pagpapagamot ng mga infected. Ang tanong natin, nasaan ang emergency funds at bilyon-bilyong utang sa ibang bansa? Bakit hindi maramdaman ng mamamayan?” pagtatanong ni Floranda.

“Ang mass testing, contact tracing at pagpapagamot sa COVID-19 sa aming hanay ay tung­kulin ng gobyerno. Dapat itong laanan ng nakasasapat na pondo at manpower. Kung seryoso ang gob­yerno sa pag-sugpo sa COVID, ito dapat ang prayoridad,” dagdag pa nito. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.