AKING naisulat kamakailan na nagpatupad ng rotational brownout sa iba’t ibang lugar sa Luzon dahil sa manipis na supply ng koryente nitong mga nakaraang araw.
Paano ba naman kasi hindi magkukulang ang supply, eh 23 na planta ng koryente ang sabay-sabay na bumagsak dahil sa mga problemang teknikal. Ang dami tuloy dismayadong mga konsyumer dahil kasabay ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente ang napakatinding init ng panahon. Ang iinit tuloy ng ulo ng mga tao sa social media.
Mas nakakainis pa na tila nagpapasahan pa ng sisi ang NGCP at mga generator. Ayon kasi sa ulat ng NGCP noong ika-15 ng Abril, nakikita na maaaring magdeklara ng Red Alert status mula ika-28 ng Mayo hanggang ika-10 ng Hunyo. Ang tanong, bakit wala kayong Ancillary Service (AS) na maaasahan. Ang ancillary service para maunawaan po ninyo ay spare tire sa power industry. Dapat mayroon niyan ang NGCP. Eh, bakit wala?
Kaugnay nito, napakaraming mamamayan ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil marami sa mga ito ang napilitang lumabas ng tahanan sa kabila ng pangamba na mahawaan ng COVID-19. Tila dalawa lang ang pagpipilian, ang ma-COVID o ma-stroke sa sobrang init ng panahon. Marami sa mga dismayadong mamamayan ang nagpahayag ng kanilang sentimyento sa social media.
Hindi masisisi ang mga konsyumer na ibinubunton ang kanilang inis at galit sa mga distributor at electric cooperative sa pag-aakalang sila ang may kasalanan ng mga nangyayaring brownout. Hindi kasi alam ng mga konsyumer na supply at reserba ang isyu rito at hindi ang pamamahagi ng koryente.
Maaaring marami rin ang hindi sapat ang kaalaman ukol sa sektor ng enerhiya.
Ang isyu rito ay ang supply ng koryente at kakulangan ng reserba sa Luzon. Kung walang sapat na supply, hindi rin sapat ang maipapamahagi ng mga distribyutor ng koryente kahit gaano pa kaganda ang kondisyon ng mga pasilidad nito. Upang maging patas sa pamamahagi ng koryente sa kabila ng kakulangan sa supply, ipinatutupad ang rotational brownouts na siyang dinaranas natin sa kasalukuyan.
Umaabot sa isa o dalawang oras ang pansamantalang pagkaantala ng serbisyo ng koryente kada lugar.
Kung dangan lang sana na interconnected na ang Luzon, Visayas at Mindanao dahil may surplus ang Mindanao at Visayas. Pero bakit hanggang ngayon at wala pa rin. Muli, halleeeer NGCP.
Nagtataka lang ako. Matagal nang problema itong isyu ng supply ng koryente. Panahon pa ni Corazon Aquino, hindi nakabangon ang ating bansa sa pagkakaroon ng matatag na supply at reserba ng koryente.
May isang magaling na lalaki na aking nakausap na masasabing eksperto sa industriya ng koryente. Sabi niya sa akin na kailangan ng long-term, medium-term at short/term na plano ang ating pamahalaan upang masolusyunan ang issue ng kakulangan ng supply ng koryente.
Para sa long-term, kailangan ay magdagdag tayo ng mga planta ng koryente. Huwag na dapat pahirapan ng pamahalaan ang mga may nais na mamuhunan sa mga planta ng koryente. Aabot ito ng apat hanggang anim bago makapagpatayo ng mga nasabing planta. Halos luma na ang mga tumatakbong planta sa ating bansa kaya nga madalas na pumapalya ang mga ito.
Sa medium-term naman ay kailangan ng mga may-ari ng planta na gawing regular ang kanilang pagkukumpuni. Huwag na paabutin sa tag-init ang pagkukumpuni. Gawin na ito tuwing tag-ulan at taglamig. Sa ERC naman ay huwag nang pahirapan ang mga distribution utilities (DUs) at electric cooperatives (EC) sa mga kailangan nilang permits sa mga kontrata nila sa supply ng koryente.
At sa short-term naman, ang NGCP ay dapat may naka-standby na AS. Ito ay reserba nila kung sakaling magkaroon ng pagpalya ng mga lumang planta ng koryente. Lumalabas kasi na hindi sila naglalagay ng AS o reserba dahil dagdag-gastos daw ito. Susmaryosep. Para bang sinabi mo na bumiyahe ka papuntang Baguio na walang dalang reserbang gulong kung sakaling ma- flat ito. Haaaays.
Ito ang mga dapat pag-aralan sa susunod na pagdinig sa Senado. Mabuti na lang at bubulatlatin at tatalupan na ni Senator Win ito para magkaalaman na.
I¦ll immediately clutch your rss as I can not find your e-mail subscription hyperlink or e-newsletter service. Do you have any? Please let me recognise so that I could subscribe. Thanks.
Lovely blog! I am loving it!! Will come back again. I am bookmarking your feeds also.