HIKING: NAKAPAGPAPAGANDA NG PAKIRAMDAM

HIKING

SA RAMI ng mga inaasikaso natin, hindi maiiwasang sumama ang ating pakiramdam o makaramdam tayo ng pagod.  Kaliwa’t kanan ang dahilan kung kaya’t tila nawawalan tayo ng ganang magtrabaho gaya na lang ng problema sa opisina at kaopisina, o kaya naman ang walang katapusang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngunit ‘di naman gumagalaw ang suweldo ng mga manggagawang Filipino, gayundin sa mga hindi magandang nangyayari sa paligid. Hindi rin nawawala ang lamig o sama ng panahon dahil nakaaambag din ito para tamarin tayong kumilos.

Pero sa kabila ng samu’t saring problemang kinahaharap ng maraming Filipino, hindi pa rin sapat ang manatili lang sa bahay at mag-astang Juan Tamad. Lalo lamang tayong mahihirapan kung maghihintay tayo ng himala. Kaya’t karamihan sa atin ay kumikilos. Hindi rin mabilang ang mga nag-poprotesta o naglalabas ng saloobin lalo na kung ang mga pangyaya­ring pumapaimbabaw sa mun­do ay hindi katanggap-tanggap.

Kung iisipin natin ang lahat ng masasamang pangyayaring kinahaharap natin sa bawat pagsibol ng umaga, sadyang mawawalan tayo ng pag-asa. Hindi kataka-takang sumama ang pakiramdam natin. Gayunpaman, sa kabila ng tila bagyo o ulan na bigla-bigla na lang na nangyayari sa paligid, kailangan pa rin na­ting tumayo at lumaban. Kailangan nating gumawa ng paraan upang mawala ang sama ng pakiramdam na nadarama natin at kumilos.

Isa nga naman sa nakagaganda ng pakiramdam ang pag-eehersisyo. Kaya kung nakadarama ka ng stress at pagod, mainam ang mag-ehersisyo nang ma-refresh ang katawan at isipan. Para rin magkaroon ng motibasyon.

Isa rin sa maituturing na magandang ehersisyo ay ang hiking. Murang-mura rin ito kaya’t puwedeng gawin ng kahit na sino. Nakagagaan nga naman ng pakiramdam ang pagha-hiking dahil sa mga nakikita mo sa paligid. Sa pamamagitan din nito ay magiging mentally alert ka.

Bukod sa nakapagpapaganda ng pakiramdam ang pagha-hiking, narito pa ang ilang kagandahang naidudulot nito:

NAKAPAGPAPABAWAS NG TIMBANG

Isa pa sa kagandahang naidudulot ng hiking ay nakapagpapabawas ito ng timbang. May ilan sa atin na walang panahong mag-gym o ang mag-ehersisyo sa bahay. Boring din naman kung minsan ang mag-ehersisyo kung mag-isa ka lang.

At para sipagin kang kumilos, mainam kung magha-hiking. Ang physical activity gaya ng hiking ay nakatutulong upang mawala o mabawasan ang calories sa katawan. Para makuha ang magandang benepisyo ng pagha-hiking, mainam kung sasabayan ito ng good nutrition.

Tama na ang nakasanayan ng ilan na dahil nag-eehersisyo naman, kakainin na ang lahat ng pagkaing nais kainin. Mawawalan ng silbi ang pag-eehersisyo kung hindi ka magiging ma­ingat sa pagkain. Hindi mo rin makikita ang epekto ng pag-eehersisyo mo kung tila napabayaan ka sa kusina.

Natuklasan din sa ­ilang pag-aaral na ma­ganda ang nasabing exercise sa cardiovascular health. Nakatutulong din ito upang maka-recover ang mga cancer patient.

PAGIGING CREATIVE

Creativity, isa pa iyan sa kagandahang na­idudulot ng hiking. Ang paglalakad sa labas ay nakapagpapataas ng attention spans at nagi­ging creative ng halos 50 porsiyento. Mainam din kung habang naglalakad-lakad ay iiwasan muna ang paggamit ng teknolohiya lalong-lalo na ng cellphone. Kumbaga mag-focus sa ginagawang paglalakad-lakad at hayaang namnamin ang hangin at maging ang kagandahan ng paligid.

NAKAPAGPAPASAYA AT NAKAWAWALA NG DEPRESSION

Marami tayong matutuklasan sa paglalakad-lakad natin. Marami tayong puwedeng makita na makapagpapaligaya sa atin, halimbawa na lang ang ma-gandang tanawin. Kaya kung malungkot ka o depressed, mainam kung maglalakad-lakad ka sa labas o sa mga lugar na may magagandang tanawin gaya ng parke upang maibsan ang kung anumang nagpapabigat sa iyong dibdib. Maaari ka rin namang maglakad-lakad kasama ang kapamilya at kaibigan.

May mga simpleng paraan ngunit malaki ang kagandahang naidu­dulot sa atin, gaya na nga lang ng paglalakad-lakad. Kaya’t  paglaanan ng panahon ang makapaglakad-lakad upang makuha ang magandang benepisyo nito.  CS SALUD

Comments are closed.