HIKING TIPS NGAYONG TAG-ULAN

HIKING TIPS

KAHIT na tag-ulan, marami ang naghahanap ng exciting na mga activity. Ayaw nila ng mga nakasanayang gawain gaya ng pagma-mall, panonood ng sine, paglalaro sa computer at ang gusto ay kakaiba na makapagbibigay saya sa kanila. Kunsabagay, may mga panahon din kasing naghahanap tayo ng kakaiba.

Sa mga nag-iisip ng kakaibang activitiy ngayong pabugso-bugso ang pag-ulan, isa sa maaaring subukan ang hiking.

Ang hiking ay maa­aring gawin sa kahit na anong panahon. Napakarami rin nitong benepisyo hindi lamang sa kalusugan kundi maging sa isipan. Ilan sa benepisyo nito ay nakapagpapaganda ito ng blood pressure at blood sugar levels, naiiwasan ang ilang mga sakit sa puso, pinalalakas nito ang katawan, napananatili nito ang timbang at napagaganda ang mood.

Marami ring benepisyo ang paglalakad sa ulan. Lumabas sa ginawang pag-aaral ng MIT na nailathala sa Atmospheric Chemistry and Physics na mas malinis ang hangin matapos ang malakas na ulan. Ang dahilan nito ay ang mga patak ng ulan mula sa kalawakan ay may abilidad o kakayahang ma-attract ang hundred of particles ng pollutants gaya ng bacteria bago mag-hit sa lupa. May calming effect din ang amoy ng ulan. Maganda rin sa kalusugan at ma­ging sa balat ang humidity. Ang humidity sa hangin ay tumutulong upang maging fresh, young at supple ang ating balat.

At dahil may benepisyo ang paglalakad sa ulan, narito ang ilang tips sa mga nagpaplanong mag-explore o mag-hiking:

MAGSUOT NG SWAK NA DAMIT

Kung may mga pinaplano kayong activity, kahit ano pa iyan, napakaimportante ng pagsusuot ng swak o tamang damit. Halimbawa na lang sa hiking, kaila­ngang komportable ang damit na iyong pipiliin. Dapat din ay mas makagagalaw ka sa outfit na iyong gagamitin. Iwasan ang pagsusuot ng sob­rang luwang o sobrang sikip.

MAGDALA NG MAKAKAIN AT MAIINOM

Mahirap din namang magutom sa gitna nang paglalakad. Kaya mai­nam din ang pagdadala ng makakain at maiinom nang hindi mahirapan. Mabuti na nga naman iyong laging handa. Sa kahit na nga naman anong lakaran, importante ang pagkain at inumin.

FIRST AID KIT

FIRST-AID-KITSa tuwing lalabas o aalis din ng bahay, mai­nam din ang pagdadala ng first aid kit. Kung mag­ha-hiking nga naman, mas maganda iyong may dala kang first aid kit lalo na’t hindi natin nalalaman kung masusugatan ba tayo o madudulas sa pupuntahang lugar. Marami ang puwedeng mangyari kaya’t mabuti na ang maging handa sa kahit na anong oras.

PILIIN ANG LUGAR NA PUPUNTAHAN

Importante rin ang pagpili ng tamang lugar na pupuntahan. Kaila­ngang isipin natin ang ating kaligtasan.

Kaya’t bago magpasiyang mag-hiking, alamin muna ang lugar na inyong pupuntahan. Mag-research tungkol dito. Kung mapanganib ang napiling lugar, huwag nang tumuloy at mag­hanap na lang ng ibang destinasyon.

Sa pagpili rin ng destinasyon, makatutulong kung hindi ganoon kalayo ang lalakarin o hindi sobrang hirap ang tatahakin. Iwasan din ang sobrang tatarik na lugar, mapuputik at madudulas.

MAGSUOT NG WATERPROOF HIKING BOOTS

Kailangan din nating protektahan ang mga paa lalo na kung may kadulasan ang daang inyong tatahakin.

Kung magha-hiking, bukod sa akmang kasuotan, kailangang tama rin ang sapatos na ating pipi­liin. Hindi ka rarampa kaya’t hindi mo kaila­ngang magsuot ng sandal o sapatos na may takong.

At para mapanati­ling protektado ang paa, magsuot ng waterproof hiking boots. Sa pagpili ng sapin sa paa, bukod sa komportable ito ay dapat ding malambot at magaan.

COMMUNICATION DEVICE

CELLPHONEIsa sa hindi natin dapat kaligtaan ang communication device o cellphone.

Sa pagha-hiking o sa pagtungo sa iba’t ibang lugar, napakahalaga ng cellphone. Bukod nga naman sa magagamit mo ito sa pagkuha ng magagandang litrato, napakahalaga rin nito lalo na kapag may emergency o may kasamahan kayong nawala.

Kaya bago umalis ng bahay at gagawa ng kahit na anong activity, siguraduhing naka-charge ang cellphone. Importante rin kung may dala kayong battery pack.

Marami ang gustong gumawa ng mga kakaiba o exciting na activity kahit na pabugso-bugso ang pag-ulan.

Ang pinipili pa naman ng marami ay ang mahihirap o kakaiba dahil mas masaya umano itong gawin. Panindig-balahibo, ika nga.  Pero ano’t ano pa man ang plano o trip ninyong gawin sa mga bakanteng oras na mayroon kayo, kaligtasan ang laging isaisip.

Hindi lamang dapat tayo nakapagsasaya at nakapagba-bonding kasama ang kaibigan at pamilya, kailangang masiguro rin nating ligtas tayo sa activity o gawaing pinili natin. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA

Comments are closed.