(Pag-amin ng NASA) HILERA NG BAGYONG PUMASOK SA PINAS ‘RECORD BREAKING’

HINDI pangkaraniwan ang magkakasunod na bagyo na humagupit sa bansa mula nitong Oktubre  11 hanggang Nob­yembre 14 kung saan naitala ang pagpasok ni severe tropical storm Pepito (international name Man-yi) sa Philippine Area of Responsibi­lity (PAR).

Obserbasyon ito ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) na sinabayan sa paglabas ng satellite image sa publiko ang hilera ng mga tropical cyclones na sina Marce, Nika, Ofel, at Pepito sa western Pacific nitong Oktubre 11.

Bago ang inilabas na satellite image ng NASA, una nang pumasok sa bansa si severe tropical storm Kristine, sinundan ni Leon, Marce, Nika, Ofel at ang kasalukuyan na si Pepito.

“In an unusual sight, four storms churned simultaneously in the Western Pacific Ocean in November 2024,” nakasaad sa pahayag ng NASA.

“The Japan Meteorological Agency reported that it was the first time since records began in 1951 that so many storms co-existed in the Pacific basin in November,” paglalahad ng NASA.

Sa datos ng NASA, ang Typhoon season sa West Pacific ay naobserbahan sa buong taon at ang karamihan ng mga bagyo ay nangyayari sa pagitan ng Mayo at Oktubre.

“November typically sees three named storms, with one beco­ming a super typhoon, based on the 1991-2000 average,” dagdag na pahayag ng NASA.

Matatandaan na mula sa pananalasa ni STS Kristine sa Luzon na sinundan ni super typhoon Marce nitong Nob­yembre 7 ay nanawagan ang United Nations ng agarang tulong at humiling ng $32.9 million ayuda sa mga malubhang naapektuhan na rehiyon sa bansa.

Pagkatapos ng apat na araw ay pumasok at nanalasa sa Aurora province si super typhoon Nika na sinundan ni super typhoon Ofel na tumama sa Baggao, Cagayan nitong Huwebes.

Inaasahan ng weather state bureau na lalong lalakas bilang super typhoon si Pepito simula kahapon at inaasahan na tatama sa kalupaan ng Eastern Bicol o Central Luzon.

EUNICE CELARIO