ILOILO – NAGDIRIWANG ang pamilya Muzones sa pagkilala ni Presidente Rodrigo Duterte sa Hiligaynon writer na si Atty. Ramon Muzones na tubong Miagao, Iloilo.
Ayon kay Atty. Rex Muzones, panganay na anak ng manunulat, labis ang kaniyang pasasalamat dahil isa ang kanyang ama sa mga kinilalang national artist sa bansa.
Taong 1948 pa nang nagsimula sa pagsulat ng nobela ang nakatatandang Muzones at nakatanggap na rin ng maraming local awards bago pa man ang National Artist for Literature.
Naging founder din ang kanyang ama ng Sumakwelan, isang grupo ng Ilonggo writers.
Kasaby nito, pinasalamatan din ni Atty. Muzones si Dr. Ma. Cecilia Locsin Nava, retired literature professor ng University of St. La Salle-Bacolod na siyang nagsalin sa wikang English at Tagalog ng “Margosatubig” na isa sa mga kilalang nobela ng kanyang ama.
Si Nava rin ang nagprisinta nito sa panel na pumili sa mga paparangalan ngayong taon.
Ang “Margosatubig” ay isang West Visayan Fiction tungkol sa katapangan ni Salagunting na siyang lumaban sa mga mananakop.
Ang Ilonggo fictionist na si Atty. Muzones ang nagsulat ng mahigit sa 60 nobela na nailathala pa sa mga lokal na pahayagan sa Iloilo.
Ayon naman kay Dr. Nava, mahigpit ang naging proseso sa pagpili sa mga bibigyan ng National Artist Award.
Dagdag pa ni Nava, kanyang isinalin sa wikang English at Tagalog ang “Margosatubig” upang makilala rin sa buong Filipinas ang pambihirang obra ng Hiligaynon writer.
Si Muzones ay namatay noong Agosto 1992. PILIPINO Mirror Reportorial Team