SAMA-SAMANG nanawagan ang mga kinatawan ng Transport Network Vehicle Services (TNVS) kay Pangulong Rodrigo Duterte na tugunan ang kanilang mga problema kaugnay sa deactivation na nagresulta sa tigil-pasada ng mga driver.
Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ng TNVS Community Philippines na nagpadala sila ng liham sa Department of Transportation (DOTr) noong Hunyo 24, at sa Malacañang noong Hunyo 25 hinggil sa kalagayan ng kanilang mga kasamahan.
“Hinihingi po namin ay amnestiya para sa mga na-deactivate na TNVS, at higit sa lahat uniporme at mas maayos na proseso ng pagre-renew ng PA (provisional authority) at CPC (certificate of public convenience) nang walang diskriminasyon laban sa TNVS,” nakasaad sa liham.
Dineactivate ng Transport network company (TNC) Grab Philippines ang may 5,000 TNVS providers noong Hunyo 10 sa pagkabigong magsumite ng katibayan ng kanilang PA at CPC mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa naunang pagtaya ay nasa 8,000 TNVS accounts ang made-deactivate, subalit 3,000 sa mga ito ang nakapagproseso ng mga kinakailangang papeles at nagpatuloy sa operasyon.
Ayon sa TNVS Community Philippines, humihingi sila ng amnestiya para sa 5,000 deactivated TNVS, at binigyang-diin na nahihirapan silang iproseso ang mga kinakailangang papeles makaraang dagdagan ng LTFRB ang requirements.
“Gustuhin man po namin na ayusin ang aming mga papeles para makapaghanapbuhay nang walang pangamba, ginigipit kami ng LTFRB at sadyang pinahihirapan na makakuha ng PA at CPC,” sabi ng grupo sa kanilang liham.
Ang liham ay nilagdaan din ng mga lider ng 16 iba pang TNVS groups, kabilang ang Kamuning D’Barkads, MBTop, PMTG, PNC4, OTNS, RED, TAP, TCLC, Thugs Club, TNVEast, TNVS Bacolod Chapter, TNVS Cebu Chapter, TNVS Pampanga Chapter, TNVR, UGB, at UGP. BENEDICT ABAYGAR, JR.