TINIYAK ng Commission on Elections (COMELEC) na aaprubahan nito ang hiling ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na hayaan at huwag ipagbawal ang pagbibigay ayuda sa mga bakwit ng patuloy na nag-aalburutong bulkang Mayon sa nalalapit na halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre ngayong taon.
Ang naturang gawain ay ipinagbabawal ng batas sa panahon ng eleksiyon. Sa isang liham noong Hulyo 22, hiniling ni Salceda sa Comelec na ilibre sa pagbabawal ang pagbigay ayuda sa mga bakwit ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang huwag namang matigil ang pagbibigay tulong. Si Salceda ay chairman ng House Ways and Means Committee.
Tiniyak naman ni Comelec Chairman George Garcia kay Salceda na aaprubahan nila ang hiling niya sa pulong kamakailan ng House Committee on Electoral Reforms, kung saan panauhin ang opisyal ng Commission.
“Dahil sa tunay na makataong kadahilanan, tinitiyak kong aaprubahan namin ang gayong mga gawain, at maaaring humiling din ang iba ng ganun,” pahayag ni Garcia.
Ipinaliwanag ni Salceda na “batay sa kanilang karanasan, ang karaniwang tagal ng pananatili ng mga bakwit sa ‘evacuation centers’ ay umaabot sa 45 araw, 90 araw o 110 araw. Dahil nga sa pabago-bago ang babala ng napipintong matinding pagsabog ng bulkan, patuloy rin dapat ang pagtulong sa mga bakwit hanggang humupa ang ngitngit ng bulkan o sumabog ito. Habang sila’y nasa ‘evacuation centers,’ kailangan nila ng ayudang pagkain, pagsasanay, ‘cash-for-work programs,’ at iba pang suportang pangkabuhayan dahil nawala nga sa kanila ang mga ito.”
Niliwanag naman ni Garcia na sa loob ng panahong saklaw ng halalan kung kailan ipinagbabawal ang mga gawaing naturan, maaaring ipagpatuloy ang mga ito dahil nga sa mga makataong kadahilanan. Tiniyak din niya kay Salceda na aaprubahan agad ng Comelec ang kanyang kahilingan.
Pinasalamatan ni Salceda si Garcia sa katiyakang ibinigay nito.“Napakahalaga sa amin ang malinaw at opisyal na tugon ng Komisyon. Susunod kami sa batas ngunit nais din naming mapangalagaan ang aming mga kalalawigan.
May kapangyarihan ang Comelec na tulungan kaming matupad ang mga ito,” madiin niyang dagdag.
Nagsimulang mag-alburoto ang bulkang Mayon noong nakaraang Hunyo ngayong taon, na naging dahilan upang mapuwersa ang mga pamahalaang lokal na ilipat ang mga mamamayan nilang nakatira sa mga permanenteng mapanganib na lugar sa paligid ng bulkan.
Paqngunahin ang DSWD sa mga ahensiya ng pamahalaan na umaayuda sa mga 39,901 bakwit na kasalukuyang nakatira sa mga ‘evacuation centers’ sa paligid ng Mayon.
“Nananatili sa ‘Alert Level 3’ ang Mayon at maaaring sumabog ito anumang oras, kaya baka matagalan pa sa mga evacuation centers be ang mga bakwit. Walang nakakatiyak ngunit higit na mabuti ang maging ligtas at handa tayo dahil baka tumagal at lumanpas pa ito sa panahon ng eleksiyon,” puna ni Salceda.