HILING NG CBCP: COVID TESTING SA LAHAT

HINILING ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – National Secretariat for Social Action Justice and Peace/Caritas Philippines (CBCP-NASSA) sa pamahalaan na paigtingin ang isinasagawang testing sa mga mama-mayan upang agad na masugpo ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang chairman ng komisyon, dapat gamitin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang emergency power o ang Bayanihan to Heal as One Act.

“We demand two things from this government: 1. COVID testing for all, that we know who are carriers of COVID, then we can separate them and flatten the curve; 2. Hospital facilities: space, PPE, respirators and medicines (to boost patients’ immunity),” ani Bagaforo, sa panayam sa church-run Radio Veritas.

Matatandaang noong Marso 25 ay nilagdaan ng Punong Ehekutibo ang panukalang magbibigay ng special power kung saan ka-bilang dito ang pagbibigay ayuda sa mga low income Filipino ng P5,000 hanggang P8,000 emergency cash aid o nakadepende sa minimum wage sa kanilang rehiyon at ang pagtiyak na mabigyan ng special risk allowance ang mga health workers na bukod sa hazard pay.

Umaasa rin si Bagaforo na bubuo ang pamahalaan ng grupong tutugon at nakatutok sa kasalukuyang krisis bunsod ng COVID-19.

“It would be best for the government to set up a multi-sectoral command council that will address this crisis now,” saad ng obispo.

Mungkahi pa ng obispo, pagtutulungan ng lahat ng sektor mula sa pagnenegosyo, simbahan, pambayan, academe at iba pang grupo na maaring makatutulong sa sitwasyon.

Sa pinakahuling tala umabot na sa halos 800, 000 ang bilang ng positibong kaso sa buong mundo kung saan 21 porsyento rito ang gumaling na sa karamdaman habang apat na porsiyento lamang ang nasawi.

Sa Filipinas, nasa 1,546 ang kaso ng COVID-19 hanggang nitong Marso 30, at 78 dito ang nasawi at 42 naman ang tuluyang gumaling makaraang nagnegatibo na sa mga pagsusuring ginawa.

“Now is the time for public and private partnership, we need all hands to confront COVID 19 and its consequences to our peo-ple, not only the disease but its effect in the society now,” dagdag ni Bagaforo.

Naunang kumilos ang Simbahang Katolika sa pag-agapay sa mga mamamayang apektado ng COVID-19 sa pagpapatupad ng Luzon wide enhanced community quarantine na layong mapigilan ang paglaganap ng virus.

Pinangunahan ng Caritas Philippines at Caritas Manila ang pagpapaabot ng tulong partikular sa mga maralitang taga-lungsod na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa sitwasyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.