INIREKOMENDA ng isang commuter advocacy group sa mga kinauukulan na mag-accredit na lamang ng ibang Beep card provider na magbibigay o mag-aalok ng mas magandang serbisyo sa mga pasahero.
Ayon kay Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) founder Atty. Ariel Inton, hindi katanggap-tanggap kay Transportation Secretary Art Tugade na mamigay ng 125,000 lang na Beep cards sa mga pasahero.
Nakikita ng LCSP na magiging problema lang ang pamamahagi ng cards.
“Kung mag-prioritize sila ng mga indigent, unemployed o minimum wage earners baka naman kailangan pang magsumite ng katibayan para sa isang Beep card lang,” pagtatanong ni Inton.
“Gasino lang naman ang 125,000 cards sa milyon-milyon pasahero, baka maging problema lang,” wika pa ni Inton.
Bukod dito, iminungkahi rin ng LCSP na gumamit na rin ng QR Code para sa single journey system para wala nang card na binabayaran.
“Kung card naman ang gagamitin, maaring mag- offer ng advertisement na ilalagay sa card para mailibre ang gastos sa card.
Inihalimbawa ni Inton na ang isang fastfood chain logo ay maaaring ilagay sa mga card.
Ani Inton, hindi na ito bagong ideya dahil kahit sa eroplano ay iyong pinamimigay na arrival form ay may advertisement ng isang kilalang klinika ng pagpapaganda.
Samantala, mariing tinutulan ng LCSP na gamitin ang pondo ng gobyerno para ipambili ng card dahil ang suma tutal ay taxpayers money ang gagamitin at hindi rin ito magiging libre.
Umaasa na lamang si Inton na sa usaping ito ay manaig ang kapakanan ng pasaherong Filipino at hindi ang monopolyong negosyo. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.