HUMIHINGI ng P1.4 billion na pondo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Sa budget presentation ng DENR, sinabi ni Environment Sec. Roy Cimatu na gagamitin ang pondo sa pagpapatuloy ng clean up at rehabilitasyon ng Manila Bay sa susunod na taon.
Ayon naman kay Usec. Mitch Cuna, malaki na ang naging pagbabago ng Manila Bay mula nang simulan ang paglilinis dito noong Enero 27.
Patuloy, aniya, ang clean up at water quality monitoring sa Manila Bay kung saan nabawasan na ang mga basurang palutang-lutang sa dagat at bumaba rin ang fecal coliform level nito.
Bukod sa linggo-linggong paglilinis sa Manila Bay katuwang ang mga organisasyon at iba pang volunteers, nakipag-partner din ang DENR sa pribadong sektor na siyang mag-a-adopt sa ibang bahagi ng Manila Bay para patuloy ang pangangalaga rito.
Patuloy rin ang monitoring ng DILG, MMDA, LLDA at DPWH para tiyakin na nag-ko-comply sa sewerage treatment ang mga establisimiyento na nakatayo malapit sa Manila Bay.
Sa 2020, tumaas ng 16% ang pondo ng DENR sa P25.495 billion mula sa kasalukuyang P21.959 billion. CONDE BATAC