UMAPELA ang National Federation of Hog Farmers sa pamahalaan na gawing P330 hanggang P360 kada kilo ang price ceiling ng karneng baboy upang hindi umano sila malugi.
“Although napirmahan na, nakikiusap pa rin kami na baka puwede mag-meet tayo halfway, na P330 to P360, para naman po hindi mabigla itong nasa wet market, itong mga producers natin sa pag-aadjust ng presyo. Wiling naman tayong mag-adjust do’n sa presyo. Huwag lang pong masyadong bigla.” giit ng mga magbababoy
Ayon kay Chester Warren Yeo Tan, presidente ng grupo, bilang pribadong sektor at stakeholder ay hindi rin naman sila sang-ayon na P400 hanggang P450 ang presyo ng kanilang produkto dahil napakamahal din naman nito para sa kanilang mga kostumer.
“On our part, as a private sector, stakeholder, hindi naman kami agree dun. Napakamahal naman talaga ng P400 to P450,” ani Tan.
Sinabi pa niya na dahil sa pagpataw ng gobyerno ng price ceiling sa karneng baboy at manok, maraming vendors ang hindi nagtinda kahapon.
“Nakita po natin ngayong araw na marami pong lugar na walang nagtitinda. Hindi lang dito sa baboy, pati sa manok dahil dito sa price cap. Sa ngayon po, we consider this industry a high-risk business. Wala pong gustong pumasok dito sa industriya,” sabi pa ni Tan.
“Kaya dinagdagan namin ng kaunti ‘yong risk cost ng 30 to 45 percent para po hindi ma-discourage ang ating producer na magparami at huwag umalis sa negosyo.”,” dagdag pa niya.
Matatandaang nitong nakaraang linggo ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price ceiling sa karneng baboy at manok sa Metro Manila, sa pamamagitan ng Executive Order 124.
Sa ilalim ng EO, ang price cap ng kada kilo ng kasim at pigi ay nasa P270; liempo, P300 at P160 naman sa kada kilo ng manok.
Ang nasabing kautusan ay epektibo kahapon, February 8, at tatagal ng dalawang buwan. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.