CAMP CRAME – PAGBIBIGYAN ng Philippine National Police (PNP) ang kahilingan ng mga bagong upong alkade sa kanilang mga nasasakupang bayan o munisipalidad.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Oscar Albayalde, hindi kokontra ang pulisya kung mamimili ng chief of police ang mga bagong upong local chief executive sa kanilang nasasakupan.
Aniya, sa ilalim ng batas, may kapangyarihan ang mga mayor na mamili ng hepe na mamumuno sa kanilang nasasakupan.
Inaasahan na rin aniya nila ito dahil normal nang nagpapalit ang mga COP kapag nagpalit na ng mayor.
Subalit, ayon kay Albayalde, may kuwalipikasyon ang PNP na dapat sundin ng mga alkalde sa pagpili ng kanilang Chief of Police.
Kailangan aniyang maikonsidera ang ranggo ng mga PNP officer na itatalaga bilang chief of police sa kanilang nasasakupan.
Magbibigay aniya ng listahan ang PNP na puwede nilang pagpilian.
Sinang-ayunan naman ito ni Atty. Rogelio Casurao, Vice Chairman ng NAPOLCOM, at sinabing bahagi ito ng ‘administrative function’ ng mga mayor.
Matatandaan na noong Hunyo 30 ay nanumpa na sa puwesto ang mga bagong mayor na nanalo sa Eleksiyon 2019.
MGA NASA
NARCO-LIST, ‘DI MAKAPIPILI NG CHIEF OF POLICE
Samantala, hindi awtorisado na mamili ng kanilang mga chief of police ang mga local official na nasa narco-list ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang binigyang diin ni Atty Rogelio Casurao sa panayam sa Camp Crame.
Ayon kay Casurao, suspendido ang police deputation ng lahat ng mga nasa narco-list.
Kaya naman wala silang supervision and control sa kanilang local police.
Aniya, kung sino ang itatalagang chief of police ng PNP sa kanilang bayan o lungsod ay walang magagawa ang mga local official na kabilang sa narco-list.
Ito ay kahit na sa araw na ito ay siyang pagsisimula ng panunungkulan ng lahat ng mga nanalo nitong 2019 election para sa susunod na tatlong taon.
Batay sa record ng PDEA, 46 na mga opisyal ng pamahalaan na nasa narco-list ang kumandidato nitong May 2019 election at 25 sa kanila ang nanalo. REA SARMIENTO
Comments are closed.