(Hiling ng transport group) AYUDA SA DRIVERS BILISAN

George San Mateo

DISMAYADO ang militant transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa umano’y mabagal na pagbibigay ng Social Amelioration Program (SAP) o financial aid para sa mga jeepney drivers.

Ayon kay Piston President Emeritus George San Mateo, “Halos 40 days na ang lockdown. Tatlong  beses na itong pinalawig  pero  hanggang ngayon ang Social Amelioration Program ng gobyerno sa mga PUV drivers ay hindi man lang nakakarating sa mayorya ng  mga PUV drivers, kundi  sa iilan lang na nakatuon pa lang sa Metro Manila.”

Hinimok ni San Mateo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of Social Welfare and Development at ang Land Bank of the Philippines (LTFRB-DSWD-LBP) na  bilisan ang pamimigay ng financial aid sa mga jeepney driver sa buong bansa.

Aniya, marangal ang trabaho ng isang driver dahil kundi  sa mga driver ay hindi makakarating  sa kanilang paroroonan ang mga tao at mga produkto na kailangang  para gumalaw ang ekonomiya  at lipunan.

Sa hiwalay na interview ay nanawagan din ang ibang transport groups sa Department of Transportation (DOTr) na bilisan ang paggawa ng rules ang regulations para sa pagbabalik  ng operations ng mga public utility vehicles (jeepney, taxi, bus, UV express, vans,  TNVS at mga truck).

Ayon sa mga transport group, taos sa puso ang pasasalamat nila sa financial aid na ibinibigay ng DSWD subalit mas gusto ng mga ito na payagan na sila ng DOTr na bumalik sa biyahe upang kumita at maipakain sa kanilang mga pamilya.

Sinabi ng grupo na malaking tulong ang financial aid pero hindi ito sapat para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya kaya hiling nila ay payagan na silang bumiyahe.

Ang enhanced community quaranine ay pinalawig pa ng Pangulong Duterte hanggang Mayo 15, 2020 ayon na rin sa rekomendasyon ng Inter Agency Task Force (IATF) upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.