NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na pagtuunan ang usapin ng lumalaking sektor ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Sa ginanap na weekly Report to the Nation ng National Press Club, hinikayat ni Alan Tanjusay, spokesperson ng TUCP ang Pangulong Duterte na bumuo ng isang ahensiya na tututok sa hanay ng POGO.
Aniya, sa pamamagitan nito ay mas magiging maayos ang pagkontrol ng mga nagdadagsaang Chinese nationals mula main-land China kung saan ilan sa mga ito sa ngayon ay napapaulat ng ilegal ang pagkakapasok sa Filipinas.
Sinabi nito na sa kasalukuyan ay walang anumang polisiya ang umiiral patungkol sa POGO kung kayat may ilang Chinese ang nananamantala at nagkakaroon ng illegal recruitment para dalhin sa Filipinas ang kanilang mga kababayan.
Problema rin ang isyu sa pagpapalabas ng mga working visa kung saan iba-ibang ahensiya ng gobyerno ang maaaring magkaloob nito tulad ng DOLE, DTI, at PRC.
Magugunitang nitong mga nagdaang linggo ay sunod-sunod na napaulat na ilang Chinese nationals ang nadawit sa kidnapping ng kanilang mga kababayan, gayundin ang mga nahuhuling sex workers.
Naniniwala naman si Tanjusay na maiiwasan ang mga naturang insidente kung mayroong polisiya at ahensiyang tututok sa usapin ng POGO para protektahan din ang pagtatrabaho sa Filipinas.
Tiwala rin ito na hindi banta sa pambansang seguridad ang mga tauhan sa POGO batay na rin sa kanilang mga isinagawang pananaliksik. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.