HILING NG US ENVOY SA BAGONG HALAL NA SOLONS: INVESTORS LUWAGAN

US Ambassador to the Philippines Sung Kim

HINILING kahapon ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim sa mga bagong halal na mambabatas na alisin o luwagan ang restrictions sa foreign investments sa bansa.

Sa kanyang pagdalo sa Pandesal Forum sa Kamuning Bakery sa Quezon City, inihayag ni Amb. Kim ang kanyang pagnanais na magkaroon ng liberalization upang maging maluwag ang pagpasok ng mga investor na gustong maglagak ng malaking negosyo sa Filipinas.

Naniniwala ang kinatawan ng Amerika na sagabal ang ilang mga umiiral na polisiya na naghihigpit sa malala­king investors sa bansa.

Ayon kay Amb. Kim, makabubuting i-liberalize at ipareho na lamang ito ng Filipinas sa ginagawa sa mga kalapit-bansa sa Asya upang mas maging maganda ang daloy ng pagnenegosyo sa halip na bigyan ng matin­ding restrictions ang mga malalaking negosyante.

Samantala, binati ni Kim ang mga nanalong senador sa nagdaang midterm elections.

Aniya, sa naging resulta ng eleksiyon kung saan nanalo ang halos lahat ng kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte, lumabas lamang na todo-suporta pa rin ang taumbayan sa ­Pangulo.

Sinabi niya na nananatili pa rin ang popularidad ng Pangulong Duterte, gayundin ang paglago ng ekonomiya sa kabila ng pagbatikos ng mga kalaban ng pamahalaan. BENEDICTO G. ABAYGAR, JR.

Comments are closed.