HINILING ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong talagang kalihim ng Department of Tourism na si Bernadette Romulo-Puyat na iwasan ang korapsiyon
Si Puyat ay kapalit ng nagbitiw na si dating Tourism Secretary Wanda Teo na kinuwestiyon ng Commission on Audit sa paglalagak ng P60 milyon halaga ng advertisement sa programa ng kaniyang kapatid na si Ben Tulfo sa PTV4.
Si Romulo-Puyat ay dating undersecretary ng Department of Agriculture.
“Berna, ang tagal mo na, 12 years ka na sa Department of Agriculture. Your credentials speak for yourself. Tapos, malinis ang pangalan mo. Kaya mo iyan,” kuwento ni Puyat tungkol sa sinabi sa kaniya ni Duterte sa kaniyang panayam sa ABS-CBN.
“Ang hinihingi ko lang ‘wag ka lang mangurakot.’ ‘Yun ang sinabi niya sakin. Sabi ko, oo naman, siyempre naman,” pahayag ng bagong kalihim.
PAGMAMAY-ARI NG BMUI ITINANGGI NI TULFO
Itinanggi naman ng brodkaster na si Erwin Tulfo na pagmamay-ari niya ang Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) na pinaglagakan ng P60 million Tourism advertisement sa PTV4 na kinukuwestiyon ngayon ng COA.
Sinabi ni Tulfo na isa lamang siyang pangkaraniwang empleyado, talent at casual employee ng BMUI.
“Hindi ko alam ang puno’t dulo ng isyung ito dahil hindi ako kasama sa nangyaring negosasyon o pirmahan ng kontrata sa pagitan ng DOT at PTV4, at PTV naman at ang Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI),” sabi ni Erwin na isang news anchor ng PTV4 at commentator ng Radyo Pilipinas.
Nag-ugat ang lahat nang hanapin ng COA ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PTV at BMUI hinggil sa nasabing advertisement.
Napansin daw kasi ni Erwin na ilang araw ng lumalabas sa media na sinasabing, bukod kay Ben Tulfo, siya ay isa sa may-ari at producer din ng BMUI.
Sinabi nito na nakahanda niyang harapin ang anumang imbestigasyon o kaso para malinawan na wala siyang kinalaman sa isyu.
Comments are closed.