NANAWAGAN si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa Department of Agriculture (DA) na dagdagan ang ayuda sa agri and fishery-based micro and small enterprises upang mapalakas ang food security bilang bahagi ng pagsisikap na matulungan ang mga Pinoy na makarekober mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.
“Sa crisis ngayon na dulot ng COVID-19, maraming industriya ang naapektuhan ngunit ang supply ng pagkain ay hindi dapat matigil. Umaapela po ako sa Department of Agriculture na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda para masigurado na may sapat na pagkain para sa bawat pamilyang Pilipino,” wika ni Go
Ayon sa DA, sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council nito, ay patuloy na pinalalawak ng ahensiya ang pagkakaloob ng concessionary loans sa maliliit na magsasaka at mangingisda, kabilang ang agri-based micro and small entrepreneurs sa pamamagitan ng Expanded SURE Aid and Recovery Project.
Sinabi ni Go na dapat na itulak pa ng DA ang mga inisyatiba nito para matugunan ang kanilang target beneficiaries, lalo na’t naghahanda ang pamahalaan sa pagpapatupad ng Balik Probinsya, Balik Pag-asa program (BP2) matapos ang health crisis.
Pinuri rin ni Go ang DA sa pag-aksiyon sa nauna niyang panawagan na hikayatin ang local government units na bumili ng agri-produce mula sa local farmers at farmer-cooperatives na maaari nilang isama sa kanilang relief operations para sa kanilang mga nasasakupan.
“Ilang mga LGUs rin ang nagpamigay ng gulay, prutas at isda sa kanilang relief operations. Dagdag tulong ito sa mga magsasaka at mangingisda para kumita, naging masustansya pa ang relief goods na naipamahagi sa mga Pilipinong nangangailangan,” ani Go.
Comments are closed.