HINILING ng PASAHERO Partylist sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang ipinatutupad na “no vaccination, no ride” policy ng gobyerno, gayundin ang iba pang government measures na nagpapakita ng diskrimasyon sa mga Pilipinong hindi bakunado laban sa COVID-19.
Isinasaad ng “no vaccination, no ride” policy na nakapaloob sa Department Order No. 2022-001 ng Department of Transportation (DOTr), ang pagbabawal sa mga unvaccinated individual na sumakay sa mga pampublikong transportasyon tulad ng jeep, taxi, bus, sea ferry at commercial plane, papasok at palabras ng National Capital Region (NCR).
Sa 41-page petition ng PASAHERO, binigyang-diin nila na labag sa constitutional right ng mga ordinaryong Pilipino ang kautusang ito ng DOTr sapagkat may kalayaan ang bawat isa na mamili kung dapat ba silang magpabakuna o hindi.
Kinastigo rin ng PASAHERO ang iba pang resolusyong ipinatutupad ng gobyerno, partikular ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA. Ayon sa partylist group, malinaw na may diskriminasyon sa mga resolusyong ito.
Tinutukoy ng grupo ang IATF Resolution No. 146-B series of 2021 at ang MMDA Resolution No. 22-01 Series of 2022.
Inilalahad ng IATF Resolution ang paghimok sa mga public at private establishment na huwag papasukin sa kani-kanilang establisimyento at huwag pagsilbihan ang mga taong hindi bakunado, maging ang mga indibidwal na hindi kumpleto ang bakuna. Sa MMDA resolution naman, pinagbabawalan ang lahat ng unvaccinated individuals na gumamit ng domestic public transportation sa loob at labas ng NCR kahit pa may may pinapasukang trabaho ito sa nasabing rehiyon.
Kabilang sa mga respondent sa petisyon sina IATF Chair and Health Secretary Francisco Duque III, MMDA OIC chair Romando Artes at DOTr Secretary Arthur Tugade.
Isinulong ng PASAHERO ang naturang petisyon, bilang kinatawan ng mga Pilipinong lubhang apektado ng mga nabanggit na polisiya ng gobyerno.
“Ang kinakatawan namin sa PASAHERO ay ang mga ordinaryong Pilipinong mananakay na ang layunin ay makapagtrabaho para sa kani-kanilang pamilya. Pero dahil sa mga polisiyang ito na ipinatutupad ng MMDA Resolution 22-01 at ang DOTr D.O. 2022-001, napagdadamutan sila ng kanilang karapatang bumiyahe at makapagtrabaho dahil lamang sa hindi sila bakunado,” ayon pa sa grupo.
Dahil dito, hinimok ng PASAHERO ang Korte Suprema na magpatupad ng temporary restraining order at preliminary injuction na magpapatigil sa DOTr at sa MMDA sa pagpapatupad ng kanilang mga polisiya, habang hinihintay ang desisyon sa inihain nilang petisyon.
Sa kanilang petisyon, binigyang-diin ng PASAHERO na tuwirang paglabag sa karapatan at kalayaan ng mga mananakay ang mga polisiyang ito, base na rin sa isinasaad ng 1987 Constitution patungkol sa “right to travel”.
“Kahit sabihin pa nating ligtas ang bakuna at nakakatulong para maiwasan natin ang malalang epekto ng COVID, nasa tao pa rin ang karapatang mamili kung ano ang gusto niyang gamot o kung ano ang gusto niyang bakuna,” saad pa ng grupo.
Tahasang tinawag na “unconstitutional at patent nullity” ng grupo ang mga naturang kautusan dahil sa tuwirang paglabag sa Article III. Sec. 1 ng Konstitusyon dahil sa pagtanggal sa karapatang bumiyahe ng mga mananakay nang walang mandato ng batas.
Paliwanag pa ng grupo, dahil wala namang partikular na batas na nag-aatas sa lahat na magpabakuna, hindi makatarungan ang ipinatutupad na “no vaccination, no ride” ng gobyerno.
Liban sa malinaw na paglabag ito sa karapatan at kalayaan ng isang mananakay, malaking paglabag din ito sa sa Konstitusyon, partikular sa Article III, Sec. 6 ng 1987 Constitution na nagsasabing “neither shall the right to travel be impaired except in the interest of national security, public safety, or public health, as may be provided by law.”