DAPAT tumuon ang gobyerno sa pag-akit ng mga investment upang lumikha ng mas maraming trabaho, na maaaring maghatid ng mas mataas na suweldo para sa mga manggagawa.
Ito ang pahayag ni Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) president Dr. Cecilio Pedro.
“Ang mas maraming pamumuhunan ay mangangahulugan ng mas maraming trabaho at habang tumataas ang demand para sa paggawa, maaari ring tumaas ang sahod,” sabi ni Pedro.
Sa kanyang talumpati sa isang briefing kamakailan ay sinabi ni Pedro na ang federation na may 170 Filipino Chinese chambers of commerce sa bansa, ay nagbigay ng mga imbitasyon sa mga kilalang dayuhang lider ng negosyo mula sa buong rehiyon ng Asia Pacific, na humihikayat sa kanila na palalimin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa bansa.
Giit ni Pedro, dapat maging prayoridad ng mga opisyal ng gobyerno at mambabatas ang pag-imbita ng mas maraming dayuhang negosyante na magtayo ng negosyo sa Pilipinas sa halip na itulak ang tinatawag na economic Charter change o pagbabago ng ilang probisyon ng Saligang Batas.
Nagpaabot ng mga imbitasyon ang FFCCCII sa mga kapitbahay ng Pilipinas sa Asean tulad ng Singapore, Thailand, Malaysia, Indonesia, China, Hong Kong, South Korea, Japan, at iba pa.
Sa pagdiriwang ng pitong dekada nito, sinabi ni Pedro na ang FFCCCII ay nangunguna sa pagpapasigla ng mga dayuhang pamumuhunan at pagtataguyod ng internasyonal na kalakalan, at pakikipagtulungan upang makinabang ang ekonomiya ng Pilipinas.