(Himok ni PBBM sa ASEAN leaders) EKONOMIYA MULING PASIGLAHIN

MATAGUMPAY ang pagbubukas ng 40th at 41ST Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Sokha Hotel, Phnom Penh, Cambodia.

Nagkakaisang mga bansa pa rin ang isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang pagdalo sa ASEAN Summit at sa kanyang pagtaya, ang matibay na ugnayan ng mga bansa ang susi para matugunan ang krisis at mga problema na kinakaharap ngayon ng rehiyon.

Isang cultural show ng mga Cambodian performer ang nag-welcome sa ASEAN leaders bilang hudyat ng pagbubukas ng seremonya.

Malugod ding binati si Pangulong Marcos ng kaniyang mga kapwa lider sa kauna-unahang pagdalo nito sa summits.

Kabilang sa mga bumati kay Pangulong Marcos sa kanilang talumpati ay ang lider ng Brunei, Singapore, Vietnam, at Thailand.

Pinakinggan ng Pangulo ang pambungad na pahayag ni Cambodian Prime Minister Hun Sen na nakatuon sa pagsusulong ng matatag na komunidad para sa lahat lalo na sa pagbangon ng mga hamon na magsisilbing banta sa ekonomiya, kapayapaan at katatagan ng lipunan sa rehiyon.

Hinikayat din ng Pangulo ang mga kapwa lider na muling pasiglahin ang ekonomiya ng rehiyon sa pamamagitan ng pagbangon ng turismo, energy cooperation gayundin ang trade at investment.
EVELYN QUIROZ