NAGTATAKA ang isang grupo ng mga magsasaka kung bakit hindi pa rin bumababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa kabila ng mga hakbang ng pamahalaan para pababain ito.
Sa Blumentritt Market sa Maynila ay umaabot sa P48 hanggang P62 ang presyo ng kada kilo ng well milled rice, habang P54 hanggang P61 kada kilo ang regular milled rice. Ang special rice naman ay nagkakahalaga ng mula P55 hanggang P76 kada kilo.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So, dapat ay umaabot lamang sa P43 hanggang P44 ang presyo ng kada kilo ng well milled rice habang P42 kada kilo naman ang regular well milled rice.
“‘Yung well milled rice nasa P43 to P44.’Yung regular milled rice P42. So itinataka namin ‘yung retail kung bakit hindi bumababa?,”sabi ni So.
Kaya kung ipatutupad na, aniya, ng gobyerno ang bawas-taripa sa mga imported na bigas at iba pang produktong pang-agrikultura ngayong buwan, dapat, aniya, ay masusing i-monitor ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Naniniwala rin si So na ang pagbenta ng bigas sa pagbaba ng taripa ay pakikinabangan lamang ng mga magsasaka mula sa ibang bansa.Mistula aniyang ang binigyan ng subsidiya ay ang mga taga-ibang bansa at hindi ang mga lokal na magsasaka.
“Everytime na bumababa tayo ng taripa, ang gagawin lang ng exporting country is itataas ang presyo nila doon. So ‘yung subsidy natin na dapat ay makolekta ng taripa papunta sa ating magsasaka ay ang nangyayari, kung itinaas nila ‘yung presyo sa exporting, ay advantageous dun sa magsasaka ng other countries.”
Samantala, umabot sa 2.28 million metric tons (MMT) ang imported na bigas hanggang June 20 ng kasalukuyang taon. Inaangkat ng Pilipinas ang 20% ng rice requirement nito dahil sa kakapusan ng mga lokal na produksiyon sa ibang panahon.
Layunin ng Executive Order No. 62 na nilagdaan ng Pangulo kamakailan na babaan ang taripa ng imported na bigas ng 15% hanggang taong 2028 upang matapyasan ang presyo kada kilo ng bigas ng P6 hanggang P8 kada kilo.
MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA