Isang grupo ng mga magsasaka ang naglabas ng hinaing dahil sa pagbibigay prayoridad umano ng pamahalaan sa importasyon ng mga produkto ng agrikultura samantalang maaari namang kumuha sa mga lokal na produksyon mula sa ibang rehiyon na hindi apektado ng kalamidad, ayusin lamang ang logistics para rito.
“Parati tayong palaasa sa importasyon sa halip tulungan ang mga mangingisda na muling makapalaot tulad ng pagtulong na maayos ang mga nasira nilang bangka at bigyan ng proteksyon sa karagatan.
Delikado po yan. Kasi pag nasarahan yung ating supply sources, e patay tayo pagka ang local capacity natin sa halip na magpatuloy ng lokal na produksyon ay hindi po natin talaga pinalalakas,” pahayag ni Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers’ Cooperative, at dating Agriculture Secretary.
Ayon kay Montemayor, sana bago nagpalabas ng announcement ang Department of Agriculture (DA) na mag-iimport ito ng mga isda at produkto ng agrikultura ay nagsagawa muna ng konsultasyon sa mga magsasaka at mangingisda kung kaya ng mga ito magsuplay ng mga pangangailangang pagkain ng bansa.
“Imbes na kumuha sa ibang karagatan sa bansa at ibang rehiyon, pagka may mga pangyayaring ganito, na may mga kalamidad, parang naririnig agad natin yung lumang tugtugin e di ba? Sana naman medyo baguhin yung kuwan yung kanta. Sasabihin dito e, itong mga nangyayaring kuwan, itong mga epekto nitong mga bagyo sa ating produksyon, kailangan lalo nating pag-ibayuhin sa mga programa para mapalakas yung pagbabangon ng ating mga magsasaka, at yung pagbibigay ng sapat na intervention o ayuda ang gobyerno, para lalo nating mapag-ibayo ang ating lokal na produksyon,” dagdag ni Montemayor.
Giit ni Montemayor saka na lamang dapat magdesisyon ang DA na mag-angkat para sa pansamantalang suplay kung nakatitiyak na itong kukulangin ng suplay ng pagkain mula sa ibang rehiyon ng bansa.
“At the same time, dun nila ipapasok na kung talagang kukulangin ng temporarily ang supply, siguro maaring i-consider natin yung importasyon,” sabi niya.
Sa ngayon, ang mga trader ay malayang nakakapag-import dahil sa mga batas na umiiral.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia