HINAING NG MAGSASAKA PAKINGGAN–OBISPO

Bishop Sofronio Bancud

UMAAPELA sa mga opisyal ng pamahalaan ang isang obispo ng Simbahang Katolika na pakinggan ang hinaing ng mga magsasaka na labis na apektado sa paghina ng sektor ng agrikultura bunsod ng ilang polisiyang ipinatutupad sa bansa.

Ayon kay Bishop Sofronio Bancud, ng Cabanatuan, Nueva Ecija, dapat suriin ng gobyerno ang kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka na nan-awagang palakasin ang kanilang sektor na nahaharap sa tuluyang pagbagsak at pagkawala.

“Panawagan ko sa pamahalaan, to those who really cares and pro-farmers na nakapwesto; they should listen to the cry of these farmers,” pahayag ni Bancud, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Magugunitang inalmahan ng mga magsasaka ang mababang farmgate price ng palay sa P7 kada kilo subalit mahigit sa P40 piso naman ang kada kilo ng bigas sa pamilihan.

Sa pahayag ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, iginiit ng grupo na ang Rice Tariffication Law o malayang pag-aangkat ng bigas ang da-hilan sa paghina ng sektor ng pagsasaka sa bansa.

Naninindigan ang mga grupo ng mga magsasaka na sa ilalim ng nasabing batas ay talo ang mga magsasaka sapagkat hindi na bumibili sa mga lokal na magsasaka ang mga rice retailer dahil sa tambak na suplay ng imported na bigas sa mga pamilihan.

Sa pagsisiyasat ng Social Action Center ng diyosesis ng Cabanatuan, nalulungkot ang mga magsasaka sa napakababang presyo ng palay at mariing nanawagan na wakasan na ang rice importation sa bansa.

“Napakababa it’s almost like giving away there harvest,” ani Bancud. ANA ROSARIO HERNANDEZ