HINAING NG MGA MAGSASAKA SA CAVITE, IDINULOG KAY SEN. IMEE

CAVITE- Nakilahok sa ilang aktibidad sa lungsod ng Trece Martires Cavite, si Senadora Imee Romualdez Marcos, bilang bahagi pa rin ng selebrasyon ng National Womens Month, kung saan namahagi ito ng cash assistance sa mga kababaihang dumagsa sa Colegio de Amore Gymnasium.

Nasa libong kababaihan ang nakatanggap ng tig-P3,000 cash pay out na nakapaloob sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS, habang rumampa naman sa harap ni Senador Imee Marcos ang ilang mga “buntis” na nakatanggap din ng “ImeeSolusyon” gift packs.

Sa kanyang pahayag, muling binuhay ng senadora ang mga “trademark” na programa ng kanyang namayapang ama na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr., napapanahon na umanong ibalik at palakasin ang mga programang “Kadiwa store” at “Nutribun” feeding program.

Isa-isang binanggit ng senadora ang epekto ng sobrang taas na mga bilihin at pangunahing mga pangangailangan na lubha ring nagpapahirap sa mga kababaihang tumatayo bilang ilaw ng tahanan, na siya umanong nagba-budget at nagpapakahirap na mapagkasya ang gastusin sa araw-araw.

Sa kone-konektadong solusyon na inilatag ng senadora ang pagpapalakas at pagpapanumbalik ng mga Kadiwa store, na ngayo’y “Kadiwa on Wheels” na rin, magiging pangunahing laman nito ang mga produktong agrikultura na itinanim at pinagyaman ng mga local farmers ng bansa, gayundin ang feeding program gamit ang Nutribun na gawa sa malunggay.

Nakipagdiyalogo rin ang senadora sa ilang grupo ng local at young farmers cooperative sa session hall ng Trece Martires City Hall, kung saan narinig niya at nakita ang mga ipinagmamalaking agri-product ng mga ito, gayundin ang mga kinakaharap nilang problema sa larangan ng pagtatanim, pag aani at pagbebenta ng produkto.

Nangako ang senadora na pagtutuunan niya ng pansin ang pagpapalakas sa agricultural program, gayundin ang paglalaan ng pondo ng gobyerno para sa mga mungkahing proyekto na magpapalawig ng mas maraming produksyon ng agri-product, na magiging solusyon rin para hindi na kailanganin pang umangkat ng ating bansa kung sapat na ang produksyon ng mga agri product.
Sid Samaniego