MATAPOS ang nangyaring lindol, nagkaroon ng mga pinsala sa ilang mga estruktura lalo na ang malapit sa sentro o epicenter sa Castillejos, Zambales. Karamihan ng sira ay nasa bandang lalawigan ng Pampanga.
May mga namatay sa pagguho ng isang gusali ng supermarket sa Porac. May lumang simbahan din na nasira at ilang mga arko na nakatayo sa mga hi-way. Nagbitak din ang mga ilang pangunahing kalsada sa lugar. Siguradong may mananagot sa mga nasirang impraestruktura. Doon na lamang sa gusali ng supermarket sa Porac, nalaman na ang permiso palang ibinigay ng kanilang munisipyo ay para sa dalawang palapag lamang, subali’t ang pinatayo ng may-ari ng gusali ay apat na palapag. Malinaw na lumabag ito sa batas.
Subali’t may mga insidente naman na dapat ay tignang mabuti ang pinsala bago manisi. Ang sinasabi ko rito ay ang sira sa Clark International Airport. Nakita natin sa social media ang mga larawan ng bumagsak na kisame sa nasabing paliparan. Agad na nagsalita ang management na iimbestigahan daw nila ang posibilidad na gumamit ang nasabing contractor ng sub-standard na material dito at agad na nagbigay ng estima na aabot daw ng mga P30 million ang halaga ng sira. Hanep. Ang bilis humusga!
Ang tinutukoy ko rito ay ang presidente ng Clark International Airport Corporation (CIAC) na si Jaime Melo. Marahil ay biglaang reaksiyon lamang ito ni Melo upang may masabi agad sa media. Wala rin siyang tinukoy na contractor sa nasabing proyekto. Kaso ang mahirap dito ay may kasalukuyang malaking proyekto ang Megawide GMR sa rehabilitasyon ng Clark International Airport.
Dahil dito, agad na nagpalabas ng statement ang Megawide GMR sa estado ng kanilang proyekto sa nasabing paliparan. Ayon sa kanila, ang mga larawan na nakikita sa social media ay hindi kasama sa kanilang proyekto. Ang inaayos nila ay ang New Passenger Terminal Building at hindi ang kasalukuyang passenger terminal kung saan gumuho ang kisame.
Agad na nagsagawa sila ng emergency inspection ng kanilang proyekto at wala silang nakitang ‘visible damage’, at bilang sa kanilang pag-iingat, pinahinto muna nila ang paggawa ng nasabing terminal.
Nakipag-coordinate din ang Megawide GMR sa CIAC at BCDA upang mag-alok ng tulong sa pag-repair ng damage sa lumang passenger terminal sa madaling panahon upang maibalik agad ang normal na operasyon nito.
Comments are closed.