UMAASA ang Commission on Elections (Comelec) na hindi na mauulit ang pagsasapubliko ng mga pangalan ng hinihinalang narco-politician na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasunod ng naging pahayag ng Department of the Interior and Local Government na may ikalawang batch pa ng narcolist ang kanilang ilalabas.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na “unfair” at nakakaapekto sa pamilya ng sinasabing narco-politicians ang pagsasapubliko sa ka-nilang pangalan lalo na kung sila ay napagbintangan lamang, na mistulang “trial by publicity”.
Nilinaw ng Comelec na labas ang kanilang tanggapan sa susunod na hakbang ng DILG laban sa mga narco-politician.
Hindi umano papayag ang Comelec na pilitin sila ng DILG para i-disqualify ang mga pinangalanan nilang mga kandidato o politiko dahil ang may final conviction lang sa korte ang maaari nilang idiskwalipika sa kanilang kandidatura.
Pinayuhan ni Jimenez ang DILG na mag-focus sa pangangalap ng mga ebidensyang magdidiin sa mga inakusahan nilang opisyal.
Nanindigan naman si Philippine Drug Enforcement Agency Spokesman Usec. Derrick Carreon na tama at may sapat na batayan ang ginawa nilang narco list na isinumite kay Pangulong Duterte.
Kasunod ito ng pag-amin ng pambansang pulisya na hindi pa sapat ang kanilang hawak na ebidensya para masampahan ng kasong kriminal ang mga politikong sangkot dito.
Sa panayam ng DWIZ kay Carreon, umabot umano aniya sa 14 na buwan o mahigit isang taon ang ginawa nilang revalidation at verification sa mga pangalang kabilang sa narco list.
Katuwang nila rito ang iba pang miyembro ng Inter-Agency Council on Illegal Drugs (ICAD) tulad ng National Intellegence Coordinating Council, DILG, PNP at AFP.
Comments are closed.