ITO ang naging paglilinaw ni Konsehal Piles Tambongco sa harap ng propaganda ng kanyang mga kalaban sa politika sa bayan ng Teresa sa Rizal.
Ayon kay Tambongco na isang mediamen at kumakandidato sa pagka konsehal sa ilalim ng Team Coralde, Partido Federal ng Pilipinas at Nationalist Peoples Coalition, bahagi umano ng political harrassment ang ginawang pagdiskwalipika sa kanya ng Com-mission on Election (Comelec).
Sa isang resolution ng Comelec En Banc na nilagdaan ni Chairman Sheriff Abas na inisyu noong Abril 3, 2019, pinalabas nila na disqualified si Tambongco matapos na magamit nito ang lumang certificate of candidacy (COC) batay sa isinasaad ng Comelec Resolution 10420.
Ang resolusyon ay batay naman sa naging rekomendasyon ng Comelec Law Division na hindi dumaan sa due process of law na dapat i-disqualify ang mga kandidato na gumamit ng lumang form at walang item 22.
Sa kaso ni Tambongco, ang Local Comelec ang nag-isyu ng COC form, tinanggap ng Local Comelec ang kanyang nilagdaang COC na notaryado kaya nga at nakasama ang kanyang pangalan sa official list ng mga kandidato at nalagay siya na Number 20 sa balota.
Matapos matanggap ni Tambongco ang order ng Comelec En Banc, mahigit dalawang linggo na lamang bago ang eleksiyon, agad itong naghain ng Omnibus Motion sa tanggapan ng Comelec dahil sa sumusunod na kadahilanan. Una, hiniling nito na i-recall ang notice na inisyu noong Abril 3, 2019. Pangalawa, hiniling din na i-uphold ang validity ng candidacy, pangatlo, dapat umanong payagan ang petitioner na mag-submit ng supplemental papers o documents na itinatakda ng bagong COC at panghuli, hiniling nito na patawan ng parusa ang mga nagpabaya na mga local Comelec officials.
Kahapon, Mayo 9, 2019, naglabas ng pinal na desisyon ang Comelec na nagbabasura sa una ng naging desisyon ng Comelec en banc. Ibig sabihin ay walang basehan ang pag-disqualify kay Tambongco at malinaw rin na walang due process na naganap at hindi dapat na siya ang parusahan dahil sa kapabayaan o pagkukulang ng mga local Comelec official.
Isinasaad din sa pinakahuling desisyon ng Comelec En Banc na si Piles Tambongco ay opisyal na kandidato sa ilalim ng PFP kayat bibilangin ang kanyang boto at agad na makakapanumpa sakali at mananalo sa eleksiyon sa Mayo 13, 2019.
Magugunitang una ng pinagtangkaan ang buhay ni Tambongco matapos na pagbintangan ng kanilang kalaban sa politika, na siyang nasa likod ng paglalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga pangalan ng narcolist politician.