HINDI KATAKA-TAKA NA HINDI PINAYAGAN SI PACQUIAO NA LUMAHOK SA 2024 OLYMPICS

NAGBABA na ng desisyon ang International Olympics Committee (IOC) ukol sa petisyon ng Pilipinas na payagan si 8-division world champion Manny Pacquiao na sumabak sa nalalapit na 2024 Paris Olympics.

Ayon sa IOC, ‘overaged’ na si Pacquiao sa ilalim ng kanilang regulasyon sa edad na 45. Hanggang 40 years lang daw ang maaaring payagan ng IOC para sa isang atleta na lumahok sa nasabing torneo.

Dagdag pa rito ay hindi rin dumaan si Pacquiao sa mga qualifying rounds ng mga national olympic committee (NOC) sa 206 na bansa sa paligsahan ng boksing sa ilalim ng IOC.

Kaya naman, ano ang pinuputok ng butsi ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng ating Pambansang Kamao? Malinaw na hindi sumunod sa patakaran at alituntunin ng IOC ang kanilang hinihiling.

Aaminin ko, parang isang magandang istorya na pampelikula kapag nabola ng POC ang IOC na payagan si Pacquiao na lumahok sa 2024 Paris Games. Aba’y walang dadaig sa dramang ito. Baka matalo pa ang istorya ng “Rocky” ni Sylvester Stallone kung drama lang ang pag-uusapan. Sabagay, tayong mga Pilipino ay mahilig sa mga dramang teleserye kaya naman ang tangka ng POC ay magandang isyu na pag-usapan.

Kaya naman ang mga pahayag ni Pacquiao na malungkot at nanghihinayang sa desisyon ng IOC na hindi siya pinayagan ay huwag natin masyadong seryosohin. Ganoon din ang pahayag ng POC na nawalan daw tayo ng pagkakataon na makakuha ng gintong medalya dahil hindi lalaban si Pacquiao. Haaays.

Ang POC kasi ay umapela noong nakaraang taon sa IOC na payagan si Pacquiao sa ilalim ng “universality place”.

Ang nasabing estado ay maaaring gamitin para sa mga maliliit na bansa na nahihirapan na makakuha sa puwesto sa qualifying rounds sa mga regular na qualification tournaments para sa Olympics.

Kadalasan, ang ganitong kaso ay nagmumula sa maliliit at mahihirap na bansa ngunit may kakaibang galing at talento ang isang kababayan nila sa nasabing isport.

Palagay ko naman doon pa lang ay bagsak na tayo. Maski may nagsasabi na naghihirap ang Pilipinas, ang bansa ay ika-34 sa economic ranking sa buong mundo at ika-anim tayo sa economic ranking sa mga miyembrong bansa ng ASEAN.

Si Pacquiao naman ay dating mahirap ngunit itinuturing na isang bilyonaryo sa kasalukuyan dahil sa kanyang mga panalo bilang isang professional boxer at sa mga commercial endorsement niya. Sa ngayon, ayon sa datos, si Pacquiao ay may net worth na $220 milyon o mga P11 bilyon! Eh, paano naman papasok si Pacquiao sa kuwalipikasyon sa ilalim ng “universality place”? Sige nga!

Sa madaling salita, dapat ay ayusin, palakasin at paigtingin ang sports program ng ating bansa.

Nangyari na dati ito noong panahon ng Gintong Alay. Hindi ko minamaliit ang mga talentadong boksingero natin sa ngayon tulad nina Nesty Petecio, Eumir Marcial, Josie Gabuco at marami pang iba. May pag-asa ang Pilipinas na makakuha ng medalya sa 2024 Paris Olympic. Kilala sa mundo ang Pilipinas bilang pugad ng magagaling ng mga boksingero.

Huwag na tayong mag-shortcut. Move on na tayo. Para sa akin, tama lang ang desisyon ng IOC na hindi payagan si Pacquiao sa 2024 Paris Olympics. Hindi magandang imahe ito para sa mga nagsusumikap ng mga batang atleta na pangarap ay sumikat din balang araw tulad ni Pacquiao.