BAGO po ang lahat ay maraming-maraming salamat po kay Boss D. Edgard A. Cabangon, idol Rey Briones at sa lupon ng patnugutan ng PILIPINO Mirror sa mainit na pagtanggap at sa espasyong ibinigay sa inyong lingkod.
Asahan n’yo po ang aking buong katapatang kooperasyon sa lahat ng oras, mabuhay!
o0o
Komo ba kasama ni Yorme Isko sina Joma, e komunista na siya?
Noong 2016, ini-appoint ni Pres. Duterte sina Judy Taguiwalo at Ka Paeng Mariano sa Gabinete – itong dalawa ay kilalang “maka-komunista.”
Si dating DWSD Sec. Judy ay kilalang lider ng kababaihan (Makibaka), UP professor; si Mariano ay lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, isang leftist partylist at dating kongresman ng Anak-Bayan at ini-appoint na Agrarian Reform secretary.
Noong Davao City mayor si Duterte, kaibigan niya ang mga lider-komunista sa Mindanao kaya madali niyang napapalaya sa kamay ng mga NPA ang mga hawak nilang sundalo, pulis at mga pribadong tao.
Nakaisang taon lang sina Taguiwalo at Mariano sa Gabinete, kasi ni-reject sila ng Commission on Appointments.
Dahil ba sa BFF noon ni Duterte ang mga NPA at isinama sa Gabinete sina Mariano at Taguiwalo, komunista at NPA na rin ang Presidente?
Hindi, hindi, at gayundin, hindi matatawag na komunista at NPA si Yorme dahil lang sa litrato at naging observer ng peace talks, piryud!
o0o
Sidecar candidate lang daw sa simula ang kantiyaw noon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso pero ngayon, lumilitaw na siya ay hindi na ganoon kaliit, at saan nga ba nagsisimula ang mas malaki?
Sabi nga, sa isang maliit at mahinang hakbang, nagsisimula ang isang milya at ito ang nangyayari ngayon sa political party na Aksyon Demokratiko.
Bunga ng dalawang ulit na pagkabigo ni Sen. Raul Roco sa halalan sa pagka-pangulo noong halalan noong 1998 at 2004, matagal ding itong nanahimik.
Tila napaso nang sumali sa mainit na eleksiyon at nanatiling tagamasid na lamang ang partidong ito na itinayo ng yumaong Senador Roco at ang mga kasapi nito ay kung saan-saang partido sumapi.
Pero ngayong eleksiyong 2022, wala na ang pananahimik at walang imik: ang totoo’y bumalikwas at masiglang-masiglang kumikilos para sa dinamikong hangad na pagbabago ang Aksyon Demokratiko.
Mula nang ipuwestong pangulo si Yorme Isko ng Aksyon Demokratiko, mainit at masiglang kumakabig ito ng maraming tagatangkilik at patuloy ang pagbulas at paglago bilang isang malakas at mapagkakatiwalaang pambansang partido politikal sa bansa.
Nangyayari ito ngayon mula nang pasimunuan ni Isko ang partido sa kanyang kandidatura bilang pangulo, at may pagmamalaking isinisigaw ng 4000 bagong miyembro ang maningning na krusada ng pagkakaisa, pagbibigkis at paglakas ng Pilipinas sa 2022.
Sa sigaw na Bilis-Kilos, hindi ‘sidecar candidate’ si Isko, kundi maaasahang expertong kapitan at piloto ng ‘Isang Bangka, Isang Bansa’ na ang banal na pangako ay “‘Wag na tayong mag-aalala pa, pagkat sa daluyong ng alon at bagyo, maitatawid nang matiwasay sa pantalan ang barko ng nagkakaisang Pilipino.”
Habang nalalapit ang araw ng halalan, lumalaki nang lumalaki, lumalakas nang lumalakas, bumubulas nang bumubulas, lumalawak nang lumalawak ang mga kasapi at tagatangkilik ng Aksyon Demokratiko sa pagtitiwala sa kakayahan, kasanayan at katapatan sa paglilingkod ni Yorme Isko.
“Hindi ko kayo pababayaan, hindi ko kayo bibiguin, hindi tayo mabibigo,” sabi ni Yorme Kois sa lumalakas na kumpiyansa ng tagumpay sa halalan sa panguluhan sa 2022.
Mga batang David ang mga kasapi ng Aksyon Demokratiko na nagpabagsak sa mga Goliat ng lokal na politika.
‘Yan ang ginawa ni Isko sa Maynila, at ni Pasig Mayor Vico Sotto sa nakaraang eleksiyon ng 2019, at ngayon, siya ang tumatayong executive vice president ng partido.
Marami ang gulat na gulat at manghang-mangha sa mabilis na pagbulas ng Aksyon Demokratiko mula nang pangunahan ito ni Yorme Isko nitong Agosto.
Sidecar lang ito noon, pero ngayon mahabang caravan hindi na ito ngayon ng maraming sasakyang de gulong: kariton, bisekleta, kuliglig, kotse, motor, van, trak, at tren mga kasapi mula sa grupo ng mga abogado, karaniwang obrero, mga samahang sibiko, mga propesyonal at iba-ibang sektor ng nagkakaisang Pilipino.
Hindi bibiguin ng Aksyong Demokratiko ang sambayanang Pilipino sa sama-sama at kapit-bisig na pagtakbo sa bagong milenyo ng pagbabago sa pamumuno ng batang Manilenyong si Isko Moreno.
o0o
Para sa inyong mga suhestiyon, reaksiyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].