HINDI LAHAT AY LIBRE

ITO  ang mahirap minsan sa ating mga kababayan. May mga iba sa atin gusto palagi ay libre. Naiintindihan ko naman. Sino ba naman ang ayaw ng libre? Subalit sa pang araw-araw na pamumuhay, ang buhay ay hindi libre.

Kailangan mong magbayad upang makamit ang ginhawa at pangangailangan sa buhay.

Tubig, koryente, gasolina, pagkain, transportasyon, serbisyo at marami pang iba ang mga bagay na kailangan nating magbayad upang makuha ang ginhawa at mga pangangailangan natin sa buhay.

Sa kabilang dako naman, ang mga nagbibigay serbisyo at pangangailangan nating mga kababayan ay obligado rin na magbigay na sapat na serbisyo kapalit ng ating pagbabayad.

Tulad ng pagbabayad natin ng buwis taon taon, may karapatan tayong ipahayag ang nakikita nating mga kakulangan ng serbisyo ng ating gobyerno. Ang gobyerno naman ay may obligasyon sa atin upang ipaliwanag kung saan pupunta ang binabayad nating buwis.

Ipinaliwanag ko ito dahil may mga ibang sektor sa ating lipunan na mahilig umangal tuwing tumataas ang presyo ng koryente, langis, pagkain, tubig, telekomunikasyon at transportasyon.

Malaking bagay ang pagtayo ng mga impraestruktura sa ating bansa. Ito ang mga malalaking proyekto ng gobyerno na mahalaga sa pag -angat ng ating ekonomiya. Kaya makikita ang kaliwa’t kanang infrastructure projects sa ating bansa. Modernisasyon ng ating railways, paliparan, daungan at expressways ay mahalaga upang bumilis ang takbo at paghatid ng mga produktong agrikultura at iba pa ang susi sa magandang ekonomiya.

Subalit upang makamit ang mga ito, tayong mga mamamayan ay kailangan magbayad upang maipagpatuloy ang pagbibigay serbisyo ng mga ito.

Tandaan, kahit na sino sa pribadong sektor na mamumuhunan ng bilyong piso sa mga ganitong klaseng impraestruktura, kailangan ay makabawi sa kanilang pinuhunan. Walang matinong tao ang papasasok at mamumuhunan sa isang negosyo kapag alam nila na hindi sila kikita. Nagpapakatotoo lang ako.

Kaya napapailing ako sa mga ibang grupo na mahilig umangal tuwing may pagtaas ng singil sa koryente, tubig, langis, pasahe at marami pang iba. Kaya huwag tayo maniniwala sa mga grupo na panay ang demonstrasyon at rally sa mga pangunahing opisina tuwing may anunsyo ng pagtaas ng singil sa mga basic services at products. Ang kasagutan lang diyan ay matuto tayong magtipid.