(Hindi Magpapa-‘Webster’) ROBIN WIKANG FILIPINO ANG GAGAMITIN SA SESYON

TINIYAK ni Senador Robinhood “Robin” Padilla na hindi siya magpapatalo kay Webster sa kabila ng patuloy nitong pagsisikap para mag-adjust sa kanyang papel bilang miyembro ng Senado.

Ani Padilla, patuloy niyang gagamitin ang wikang Filipino sa mga pagdinig at iba pang opisyal na kaganapan sa Senado, sa halip na gamitin ang wikang Ingles lalo na ang mga salitang malalim ang Ingles o “pang-dictionary.”

“Opo, hindi na ako magpapanggap. Mahirap magpapanggap kang si Webster,” ani Padilla sa panayam nitong Huwebes, nang tanungin siya kung itutuloy niya ang paggamit ng Tagalog sa mga pagdinig sa Senado.

Ipinunto ni Padilla na bagaman Tagalog ang salita ng mga senador sa loob ng lounge, paglabas sa plenaryo ay “Amerikano” na ang wika.

Sinusulong ni Padilla ang paggamit ng Filipino sa opisyal na dokumento ng pamahalaan, sa pamamagitan ng panukalang batas.

Nguni’t tuloy pa rin si Padilla sa pag-adjust sa paggamit ng Ingles sa kasalukuyang komunikasyon ng Senado.

Aniya, isang paraan dito ay ang pagbasa ng journal at pagpapa-briefing sa staff niya para maintindihan ang pinag-usapan sa regular na sesyon.

Binigyan diin pa ni Padilla na magiging independent na senador siya kahit suportado niya ang mga panukalang batas ng administrasyon, hindi siya papayag kung nakita niyang “hindi pabor sa tao” ang panukala. VICKY CERVALES