(Hindi magsusuot ng face mask at walang social distancing) KULONG, MULTA

social distancing

“DUMAAN ka sa kalsada makikita mo nagkukuwentu­ han parehong nasa ibaba ang kanilang maskara parang naglolokohan lang. Niloloko mo lang ang sarili mo.”

Ito ang galit na pahayag ni Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Eduardo Año na siya ring National Task Force  Against COVID-19  Vice Chairman,  kaya balak nito pulungin ang lider ng  local government units   upang bumalangkas ng mas mahigpit at pare-parehong ordinansa para sa mga lalabag sa mga COVID-19 protocols.

“Mayroon kaming pagpupulong sa Lunes ng u­maga, ito ang pag-uusapan natin. Iha-harmonize natin para pare-parehas ang pag-i-implement ng ordinansa,” ani  Año.

Planong gawing pare-pareho ang mga parusa sa mga indibidwal na hindi gumagamit ng face mask at hindi sumusunod  sa physical distancing.

Puna ng  kalihim, isa sa mga dahilan kung bakit kumakalat lalo ang virus ay dahil sa hindi wastong pagsusuot ng face mask.

Kaya naman, inihayag ni Año na dapat lamang itong isama sa listahan ng mga violation na may kaa­kibat na parusa.

“Pasalamat tayo ‘yung ating mga LGU ay nagpasa ng ordinansa, pero mayroon tayong ipalalabas na memo na sana pare-parehas tayo ng ordinansa  na  ilang araw ng pagkakakulong o kaya ‘yung multa para kahit saan ka magpuntang LGU parehas ang penalty.

“Ang mga kababayan natin medyo matitigas pa ang ulo ng iba kaya nahihirapan tayo. Iyon talaga ang pinagmumulan ng transmission,” ani Año. VERLIN RUIZ

Comments are closed.