HINDI MAHAL ANG MAGPAGANDA

Beauty Ice Tips

IMPORTANTENG napangangalagaan natin ang ating katawan, lalong-lalo na ang ating kagandahan. Ngunit para sa ilan, mahal ang magpaganda dahil na rin sa mga produkto at serbisyong tila ginto ang presyo.

Kung pagbabatayan nga naman natin ang presyo ng mga beauty product, talagang mamumulubi ang marami. Malamang din ay ang may mga pera lang ang maka-afford nito.

Ngunit sabihin man nating napakaraming produkto at serbisyong pampaganda ang ginto ang presyo, may mga simple pa rin namang paraan para ma-achieve ang natural na kagandahan gamit ang natural lang din na mga pamamaraan.

Kaya sa mga gustong magpaganda o mapa­natili ang kagandahan, hindi n’yo na kailangan pang mag-worry dahil napakaraming simpleng do-it-youself beauty treatments na tiyak na hindi ka lang maganda kundi nakatipid ka pa ng bongga.

Narito ang ilang do-it-yourself beauty treatments na makikita lang sa kusina:

PARA SA UNDER EYE BAGS AT DARK CIRCLES

Hindi nga naman maiwasang mapuyat ang marami sa atin. Kakambal din ng puyat ang under eye bags at dark circles.

Para maitago ang mga ito, marami ang gumagamit ng concealer. Ngunit pansamantala lamang ang epekto nito at hindi pangmatagalan.

Ang isang simple at murang paraan para mawala ang dark circles gayundin ang under eye bags ay ang chamomile tea bags. Kaysa nga naman itapon ang tea bags matapos na gamitin, puwede itong ilagay sa freezer. At kapag luma­mig na ay maaari na itong gamitin sa mata para maibsan ang under eye bags. Ang acid at caffeine na taglay ng tsaa ang magpapaimpis ng pamamaga o puffiness ng mata.

Puwede ring maglagay ng kutsarita sa freezer at kapag malamig na ang mga ito, ilagay sa iyong mata.

PARA SA FRIZZY HAIR

Problema naman talaga ng marami sa atin ang frizzy hair lalo na’t pabago-bago ang panahon. Nariyang sobrang init at kung minsan naman ay maulan.

Isa sa maaaring su­bukan ang lemon and water spray.

Kakailanganin mo lang ang slices ng lemon at pakuluan ito sa dalawang tasang tubig. Hintaying mangalahati ang tubig. Kapag nangalahati na, patayin na at palamigin. Kapag lumamig na ay ilagay na ito sa spray bottle saka i-spray sa buhok.

PARA SA INSTANT FACE LIFT

Hindi nga naman puwedeng makaligtaan ang mukha. Kailangang lagi itong presentable lalo pa’t ito ang unang nakikita ng marami.

Para naman sa instant face lift, may simple lang paraan. Hugasan lang ang mukha ng malamig na tubig na may kaun­ting honey. Pagkatapos ay batihin ang puti ng itlog, haluing mabuti saka ilagay sa mukha. Hayaang matuyo ito.

Sa pagbabanlaw naman, gumamit lang din ng malamig na tubig.

Hindi mahal ang magpaganda. Kaya naman, subukan na ang mga simpleng tips sa itaas. CS SALUD

Comments are closed.