HINDI NA BARIL ANG KAPILING

Special Report
ni IRENE GONZALES

CAGAYAN- TUNOG ng legal na paputok na ang kanyang narinig sa pagsalubong sa Bagong Taon at hindi putok mula sa baril.

Malayo na sa madilim na kinamulatan niya sa pamamalagi niya ng higit tatlong taon sa kabundukan.

Ngayon, hindi na lang mga kahoy ang kanyang kasalo tuwing media noche.

Ngayon, hindi na lang mga bituin ang nagsisilbing liwanag niya. Dahil ngayon, ang halakhak at ngiti na ng kanyang pamilya ang kasama niya sa pagsalubong sa Bagong Taon – maingay man pero tahimik.

Nito lamang ika-31 ng Disyembre, masayang sinalubong ni Alyas Frank ang Bagong Taon kasama ang kanyang pamilya matapos itong sumuko sa mga tropa ng 17th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa barangay Bangag sa Lal-lo, Cagayan.

Si Alyas Frank ay 25-anyosm na dating miyembro ng S4 ng West Front Committee, Komiteng Probinsya (KOMPROB) Cagayan-Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).

Isa siya sa mga masuwerteng nakaligtas sa close air support ng Philippine Air Force noong nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at miyembro ng CTG sa Barangay Dungeg sa Sta. Teresita, Cagayan nitong Setyembre, 2021.

Sa kanyang salaysay, 13-anyos, nang siya ay gamitin ng mga rebelde na isang courier o tagadala ng kanilang mga kinakailangan sa ilang mga barangay sa bayan ng Baggao.

Taong 2018 nang puwersahan siyang gawing regular na miyembro ng NPA.

Isang nagngangalang Alyas Simoy at ang kanyang grupo ang nagdala sa kanya sa Sitio Dummitton sa barangay Malayugan sa Flora, Apayao.

Sa loob ng tatlong taon, saksi mismo si Alyas Frank sa mga paghihirap na dinaranas nila bilang mga miyembro ng NPA dahilan upang magdesisyon na siyang sumuko.

“Gusto ko nang magbagong buhay. Ang hirap ng pamumuhay sa loob ng kilusan. Hindi ko makasama ang pamilya ko. Kahit man lang bisitahin sila ay hindi ako pinapayagan,” kwento ni Alyas Frank.

“Pinangakuan din nila ako dati na makapag-aaral ako kapag sumama ako sa kanila. Pero iba ang pina-aral sa akin. Patungkol sa rebolusyon at mga paninira sa gobyerno. Isa lang ako sa mga ginamit nila (CTG) para sa kanilang mga pansarling interes!” dagdag niya.

Ayon pa kay Altas Frank, isa sa mga nag-udyok sa kanya na sumuko ay dahil sa isinagawang Community Support Program sa Apayao na nagbukas sa kanyang isipan at matauhan sa mga mapanlinlang na taktika at makasariling interes ng teroristang grupo.

“Ilang beses ko nang ginustong umuwi pero pinipigilan nila ako. Gustung-gusto ko nang magbagong buhay kasama ang aking pamilya. Kaya sobrang nagpapasalamat ako na meron ang kasundaluhan ng 17IB, kapulisan, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan na tumulong sa aking ligtas na pagtalikod sa teroristang NPA,” aniya.

Binigyang pugay naman ni MGen Laurence E Mina, komander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, ang pagsuko ni Alyas Frank.