(Hindi na ipatutupad) PROVINCEWIDE LOCKDOWNS

POSIBLE umanong hindi na magpatupad ang pamahalaan ng ‘regional o province-wide lockdowns’.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing,bunsod ito nang nalalapit na pagpapalit ng polisiyang gagamitin upang mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19.

Sinabi ni Densing na ang sub-technical working group na pinamumunuan ng Department of Health (DOH) ay nagrekomenda na sa halip na magpatupad ng regional at province-wide lockdowns ay magkaroon na lamang ng granular lockdowns na limitado lamang sa mga subdibisyon, kalsada o ilang bahay.

“Ang mangyayari po kasi dito ngayon, pinaghahanda na rin natin ang mga lokal na gobyerno sa tinatawag nating policy shift on lockdowns,” ani Densing sa isang panayam.

“Ang tinitingnan po natin… hindi na po tayo magkakaroon ng pangmalawakang lockdown na sa lebel ng rehiyon at probinsya,” aniya .

Ipinaliwanag ni Densing na sa ilalim ng granular lockdown, maging ang mga authorized persons outside residence (APOR) ay hindi na rin muna papayagang umalis ng kanilang tahanan.

Taliwas ito sa dating ipinatutupad na lockdowns ng gobyerno, kung saan pinapayagan pa ring makalabas ng tahanan ang mga tinaguriang APORs.

Sa tulong nito, mababawasan ang public mobility at ang tiyansa na kumalat pa ang COVID-19.

Tutulong rin aniya ang national government sa mga lokal na awtoridad sa pagkakaloob ng food assistance sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdowns.

“Magkakaroon ng policy shift dahil nakita natin na mas epektibo ‘yong ganitong pamamaraan,”giit ni Densing.

“Gusto lang nating sabihin na hahawakan pa rin ng pambansang gobyerno ang mandato nito kung saka-sakali na mag-lockdown pa rin nang malakihan kung ito’y kinakailangan. Pero ito’y magiging last resort na natin,” dagdag pa ng opisyal ng DILG. EVELYN GARCIA

3 thoughts on “(Hindi na ipatutupad) PROVINCEWIDE LOCKDOWNS”

  1. 513719 185216Wow, incredible weblog format! How lengthy have you been blogging for? you make running a weblog glance straightforward. The full glance of your website is amazing, as smartly the content material material! 340920

Comments are closed.