IPINATUTUPAD ng Bureau of Immigration (BI) ang isang sistema para mapabilis ang pag-alis ng overseas Filipino workers (OFWs) patungo sa ibayong dagat
Partikular ang pagbibigay ng prayoridad sa OFWs na pipila sa immigration counters.
Sa isang memorandum order, ipinag-utos ni BI Port Operations Division Chief Grifton Medina sa kanyang mga tauhan na siguruhing mabibigyan ng prayoridad ang mga manggagawang Pinoy sa abroad, na nasa immigration departure areas para sa pag-proseso ng kanilang mga dokumento.
Ito ay bunsod ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte kay BI Commissioner Jaime Morente na kailangang mabilis at mahusay ang immigration departure formalities para sa mga OFW na tinaguriang mga bagong bayani.
Naglagay na ang BI ng special team ng immigration officers na tututok sa pre-screening sa OFWs at tutugon sa kanilang pangangailangan sa paliparan.
Kasama sa bibigyang prayoridad ng BI ang mga OFW na kailangang isalang sa secondary inspection at target na maresolba sa loob ng 10-minuto.
Priority rin ang mga OFW sa arrival area gamit ang 21 electronic gates o e-gates sa major airports ng bansa.
Ang mga gagamit ng e-gates ay hindi na kailangang pumila at humarap sa mga tauhan ng immigration na mag-iinspeksiyon sa mga pasaporte.
Itatapat lang sa e-gate ang dalang passport para basahin ang personal na impormasyon. Kasunod naman ang finger scanning at picture taking. FROI M.
Comments are closed.