(Hindi na natin kakayanin – ECOP) ALERT LEVEL 2 SA METRO PINALAGAN

TUTOL ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na itaas ang COVID-19 alert status ng Metro Manila sa level 2 dahil hindi ito makabubuti sa ekonomiya.

Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis, sa halip na pansinin ang mga bagong kaso ng COVID-19, dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagresolba sa problema sa kagutuman sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin.

“Hindi naman talaga dapat pansinin kasi napaka-mild ng cases na iyan at hindi naman siguro dumadami ang namamatay. Baka mas maraming mamatay sa gutom kaysa pansinin natin iyan,” sabi ni Luis sa isang public briefing.

Ani Luis, hindi na kakayanin ng bansa ang Alert Level 2 ngunit iginiit niya ang pagsunod sa protocols at ang pag-iingat

Batay sa report, tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, kung saan nagtala ang Quezon City ng 111-percent increase sa mga bagong kaso ng infections noong nakaraang linggo.

Nagbabala ang Department of Health na posibleng ibalik sa mas mahigpit na quarantine restrictions ang Metro Manila kapag nagtuloy-tuloy ang pagtaas ng infections at hospitalizations.