(Hindi na tatanggap ng COVID-19 patients) 5 OSPITAL SA MAYNILA PUNO NA

LIMA sa anim na ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila ay sarado na o ‘di na tatanggap ng pas­yenteng may COVID-19 dahil naabot na nito ang capacity limits sa gitna ng kahilingan ng may 42 barangay na i-lockdown sila bunsod ng napakataas na bilang ng kaso ng virus.

Ito ang inihayag ni Mayor Isko Moreno, idi­nagdag pa na ang natitirang ospital ay malapit na rin umabot sa maximum capacity nito kabilang na ang qua­rantine facilities na itinayo ng lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

“Ako’y di nagkulang ng paalala na darating at darating ang oras na ang a­ting mga COVID bed capacity ay mapupuno pagka’t marami ang symptomatic or mild and severe.,” ani Moreno.

“Wag tayong magtatampo kung di na kayo tatanggapin sa ospital. Lahat kami ay nagulat nang biglang lumobo. Maari kayong magtungo sa pribadong ospital pero ma­ging sila ay halos puno na din,”dagdag pa nito.

Sinabi ni Moreno na may superbisyon sa lahat ng ospital sa Maynila at pinatatakbo ng pamahalaang lungsod na nakipagpulong sa anim na direktor ng mga ospital at kay Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan kaugnay sa planong pagdaragdag ng COVID beds.

“Madaling magdagdag ng beds. Ang mahirap, ‘’yung medical professional na tutugon pag kayo ay nasa COVID ward dahil may kanya-kanya silang gamit lalo na ang mga infectious doctors. ‘Yan ang mga unique na tsitwasyon kaya di simple magdagdag,” paliwanag ng alkalde.

Nabatid na sa Ospital ng Tondo ay umabot na rin sa capacity limit at tanging ang Justice Abad Santos General Hospital (JASGH) ang natitirang ospital na hindi pa puno na nasa 3rd district ng Manila.

Ayon pa kay Moreno, patuloy ang pakikipag-usap sa mga may-ari at operators ng motels at hotels sa lungsod upang ipahiram ang kanilang mga kuwarto bilang quarantine facilities habang wala pang guests ang mga ito.

Iginiit nito, kahit magkano pa ang gugulin ng lungsod, kung patuloy na lalabagin ang itinakdang minimum health protocols, ang lahat ng pagsisikap at pagod ay mauuwi lang sa wala.

Kaugnay nito, sa ilalim ng City Ordinance No. 8739 ay maglalaan ng P1.427 bilyon pondo para sa Food Security Program (FSP) ng lungsod.

Layunin ng ordinansa na matustusan ang gastusin ng lungsod sa pagresponde sa pandemya sa COVID-19 pati na ang pamamahagi ng food boxes.

Sa ngayon, naipamahagi na sa anim na distrito ng Maynila ang food boxes na pang-ayuda sa mga pamilyang naapektuhan ng COVID-19.

“We are now preparing for the month of April,” pahayag ni Moreno.
Inilunsad ang FSP noong Pebrero kung saan binibigyan ang 700,000 na pamilya ng food boxes na may laman na tatlong kilo ng bigas, 16 na piraso ng de lata at walongs achets ng kape.

Matutustusan ng ordinansa ang pondo para sa food boxes sa buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo. VERLIN RUIZ

One thought on “(Hindi na tatanggap ng COVID-19 patients) 5 OSPITAL SA MAYNILA PUNO NA”

  1. 413009 53981Black Ops Zombies […]some individuals nonetheless have not played this game. Its hard to picture or believe, but yes, some individuals are missing out on all with the enjoyable.[…] 439896

Comments are closed.