UMATRAS na sa laban si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa pagkasenador. Ayon sa kanyang pormal na pahayag at inihain na dokumento sa Comelec, kailangan niyang umatras sa kandidatura sa 2019 senatiorial elections dahil sa maselan na kondisyon ng kanyang kalusugan.
Sabi ni Roque na, “I have recently undergone a percutaneous coronary intervention following the discovery of an unstable angina coronary disease earlier this week. In the days since the procedure, I have been forced to confront the reality of my physical situation and what it ultimately means for my aspirations to public service.”
Sa madaling salita, maaring manganib ang kanyang kalusugan kapag ipinagpatuloy niya ang mahirap at nakakapagod na tatlong buwan na pagkampanya sa buong Filipinas. Maganda ang kanyang ‘paliwanag’. Subali’t hindi natin maiaalis ang posibleng tunay na rason o dahilan sa pag-atras ni Roque sa senatorial race.
Unang tanong, pang-ilan ba si Roque sa huling senatorial survey? Batay sa Pulse Asia survey, mula nang mag-umpisa ang survey kung sino ang ‘matunog’ na maaring iboto ng sambayanan noong March 2018, si Roque kabilang sa mababang 10% na mga maaring manalo sa May 2019. Kahanay niya sa lower 10% ay sina dating kongresista Neri Colmenares, mang-aawit na si Freddie Aguilar, TV reporter Jiggy Manicad, Rep. Zajid Mangundada-tu, mga abogadong sina Larry Gadon at Romulo Macalintal, mga kapartido ng LP na sina Chel Diokno at Samira Tomawis at ang hindi kilala na si Dan Roleda. Sino nga ba siya?
Sa pinakahuling survey noong December 2018, ang nasabing mga kandidato ay hindi pa rin umangat sa 10%. Sa katunayan, si Harry Roque ay mas bumaba pa ang porsiyento ng posibleng manalo. Mula sa mga 8% sa survey noong Marso, bumagsak pa siya sa 6.7%! Mabuti pa si Freddie Aguilar, umangat siya ng kaunti na may 9.6%.
Sumunod sa mga nasa ‘laylayan’ ng survey ay si dating MMDA chairman at dating kalihim ng gabinete ni Duterte na si Atty. Francis ‘Tol’ Tolenti-no na may 19.4% nitong huling survey. Ang laki ng kanyang inangat mula Marso noong nakaraang taon na nasa mga 15%. ‘Ika nga, lumabas na may pag-asa pang umangat si Tolentino sa ‘Magic 12’ kung talagang todo ang libot ni Tolentino sa ating bansa. Nguni’t hindi pa rin siya nakasisiguro. Masikip ang labanan. Namamayagpag ang mga pangalan ng mga re-electionist at mga bumabalik sa Senado. Kailangan ni Tolentino na makamit ang mga 35% sa survey upang masabi niyang malaki ang pag-asang makapasok siya sa ‘Magic 12’.
Subali’t balik tayo kay Roque. Tama ang kanyang desisyon na umatras sa karera. Maaring ginamit niya lamang na dahilan ang kanyang kalusugan upang maging katanggap-tanggap ang katuwiran ng kanyang pag-atras. Sa totoo lang, sayang ang kanyang pagod at hirap kapag ipinagpatuloy niya ang kanyang kandidatura. Ganoon din sa mga kandidato na nabibilang sa mababang 10% ng survey. Mag-isip- isip na kayo. May saysay ba ang paglaban ninyo sa pagtakbo sa Senado? Hindi ba kayo nanghihinayang sa pera na gagastusin ninyo lalong-lalo na kung nanggaling ito sa malinis at marangal na paraan at hindi nakaw sa kaban ng bayan?
Sabi ko nga, tama ang payo ni Pangulong Duterte kay Roque noong nakaraang Oktubre nang magtalumpati siya sa Philippine Military Academy Alumni Association. Sinabi ng Pangulo na mas mabuti pa na manatili si Roque sa kanyang gabinete dahil wala siyang pag-asang manalo. Ibibigay dapat sa kanya ang Office of the Press Secretary na muling ibinalik matapos ang palpak na kautusan ni PNoy na palitan ito ng Presidential Communications Operations Office. Ginawa nilang mas komplikado ang patakbo ng nasabing ahensiya. Nguni’t ibang isyu ito.
Sinabi ni Duterte bilang payo kay Roque noon ay, “Si Roque, gusto mag-senador. Sabi ko, ‘Tama ka na. T*** i** diyan. Standby ka. Bigyan kita ibang trabaho. Hindi ka mananalo riyan.” Kaya hindi nagkamali ang payo ni Duterte kay Roque.
Comments are closed.