KAMI ay pinagpala ng Diyos ng mga magulang na marurunong at mapagmahal. Sila ay tunay na regalo ng Diyos sa aming magkakapatid. Dati kaming mahirap lamang. Ang tatay ko ay isa lamang guro ng Accounting sa Feati University noong bata pa ako. Labintatlo kaming magkakapatid. Hindi talaga kasya ang suweldo ng ama ko para buhayin kaming magkakapatid. Para magkasya ang kita ng pamilya, ang nanay ko ay nagtayo ng dress shop business bilang karagdagang kita. Ang lola ko ang nagbigay sa amin ng libreng pabahay.
Siya rin ang nagbayad ng aming tubig, koryente at pagkain. Rasyon-rasyon ang pagkain namin. Tapos na kaming kumain ay gutom pa ako. Minsan, sa paghahati-hati ng kaunting ulam, ang napupunta sa akin ay isang leeg o ‘ribcage’ ng manok. Kaya nginangatngat ko ang mga buto at walang natitira ni isang buto sa aking plato dahil kinakain at nginunguya ko ang lahat ng buto.
Nang ako ay tumuntong ng Grade 4, biglang naisipan ng ama kong magtayo ng negosyo. Kinausap niya ang lahat ng matatandang kamag-anak namin at siya ang nag-develop ng mga tiwangwang na lupa. Ginawa niya itong Real Village Number One at Number Two sa Novaliches, Quezon City. Ang mga lupang dating nagkakahalaga lamang ng 5 sentimos kada metro kwadrado ay naging 100 piso kada metro kwadrado. Tuwang-tuwa ang mga kamag-anak naming may-ari ng lupa dahil tumaas ang presyo ng kanilang lupa. Tumanggap ng komisyon ang tatay ko. Nakapagpatayo siya ng isang Real Estate Company. Nagpatayo rin siya ng isang gusali na office space for rent sa tabi ng Quezon Avenue sa Quezon City. Sa pagpapala ng Diyos, pinagtagumpay niya ang negosyo ng aking ama. Isinara na ng nanay ko ang kanyang dress shop dahil humina na nang humina ito at dahil sapat na ang kita ng negosyo ng aking ama.
Nang tumanda ang aking ama’t ina, sinanay nila kaming mga anak nila na sumali sa pagpapatakbo ng family business. Ginawa nila itong isang korporasyon. At lahat kaming 13 mga anak nila ay naging mga pantay-pantay na may-ari ng negosyo. Ginawa nila kaming isang ‘Board of Owners’. Pinagsabihan kami ng aking ama, “Huwag ninyong ipagbibili ang ari-arian ng ating family business. Huwag ninyong papatayin ang gansa na nangingitlog ng ginto. Makontento kayo sa dibidendo na ibibigay sa inyo ng negosyo sa katapusan ng taon. Kung naliliitan kayo sa dibidendo, palakihin ninyo pa ang negosyo. Mag-isip pa kayo ng iba pang pagkakakitaan ng family business. Subalit huwag na huwag niyong ibebenta ang mga ari-arian.”
Nang mamatay na ang aking ama’t ina, sinunod namin ang matalinong payo nila sa amin. Minaneho namin ang family business nang buong ingat. Hindi namin ibinenta ang mga ari-arian. Pinalaki pa namin ang negosyo. Nagtayo pa kami ng ilang paupahang gusali para lumaki ang dibidendo sa dulo ng taon. Ang negosyong iniwan sa amin ng aming magulang ang nagbibigay ng trabaho at pinagkakakitaan ng ilan sa aking mga kapatid na empleyado nito. Kada buwan, tumatanggap sila ng suweldo. Ito ang bumu-buhay sa kanilang pamilya.
Kung ibinenta namin ang ari-arian ng aming mga magulang at pinera lang ito, malamang na naubos na ang perang iyon. Maaaring magutom ang ilang mga kapatid ko at ang kanilang pamilya dahil dito sila umaasa ng kanilang pinagkakakitaan. Kaya tama talaga ang payo ng aming ama. Huwag mong papatayin ang gansang nangingitlong ng ginto.
Mayroon kaming tiyo at tiya. Iba ang pilosopiya nila sa pilosopiya ng aming magulang. Bago sila mamatay, pinaghati-hati nila ang kanilang mga ari-arian at ipinamudmod sa kanilang mga anak. Hindi lahat ng mga anak nila ay marunong mangasiwa ng pera. Ang ilan ay masyadong maluho ang uri ng pamumuhay. Ang ilan ay mayroon pang mga bisyo – mga gastos na walang kabuluhan na nagbubunga ng mga samu’t saring sakit sa katawan na nauuwi sa malaking gastos sa pagpapagamot. Ang ilan sa mga pinsan ko ay naubos ang mga perang ipinamana sa kanila dahil sa kakulangan ng disiplina. Pinatay nila ang kanilang gansa na nangingitlog ng ginto. Dahil dito, unti-unting naghihirap ang ilan sa kanila. Ngayon, nagsisisi sila sa kanilang ginawa.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”
Comments are closed.