HINDI NANGOPETE SI VICE LENI

rey briones

HALOS mapatid ang mga ugat sa leeg ni Vice  Leni sa kapupuna sa drug war ng gobyerno.

Kasabwat ang mga ungas sa tribu ng dilawan at mga banyagang sulsol ay walang humpay ang batikos sa pangulo ng republika.

At kada minuto ay may listahan sila, Suki, ng bilang ng umano’y itinutumba ng kapulisan nang dahil sa ilegal na droga.

Pero ang nakalulungkot ay blangko ang kanilang listahan sa bilang ng mga sinasalaula, ginagahasa at kinakatay na parang baboy ng mga lango sa droga.

Mga adik-adik na hindi lang mga inosenteng lahi ni Juan ang hinahalay at pinapatay, kundi mismo kanilang mga kapamilya.

oOo

Napikon na si Boss Digong, Suki.

Kaya inalok na n’ya kay Vice Leni ang trabaho na puksain ang sinasabing pangunahing salot ng lipunan – ang droga.

Kasama ang poder at kapangyarihan na pamunuan ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na may pananagutan sa pagsugpo ng droga.

“Masyado kang maingay at nag-aarteng may talento sa paglutas ng problema sa droga, eh, ‘di ikaw na.”

Hindi ako, kundi si Boss Digong ‘yan, Suki.

Ang nais ng pangulo ay patunayan ni Vice Leni ang kanyang mga ngakngak.

Hindi puro daldal at batikos lang.

Kailangan n’yang tumulong.

Hindi sa ngalan ng kanyang ambisyon sa politika… kundi sa interes ng republika.

oOo

Ngayong tinanggap na ni Vice Leni ang hamon na umaktong isa sa mga haligi ng programa at kampanya laban sa droga ay malamang na magkakaalaman na, Suki.

Kung siya nga’y may ibubuga.

O panay ngakngak at batikos lang.

Kung siya’y tunay na bahagi ng solusyon.

At hindi parte ng problema.

Ako man, Suki, ay naghahangad na si Vice Leni ay maging “part of the solution.”

At dasal ko rin na mapagtagumpayan na ng gobyerno ang problema sa ilegal na droga na may ambag ang bise presidente.

Kahit may suspetsa akong limitado ang kanyang talento sa isyu ng droga. Ang mahalaga’y hindi siya nangopete sa hamon ng presidente.