HINDI PA EPEKTIBO ANG R.A. 11709, AMYENDA AGAD?

KUNG hindi pa masyadong malinaw sa inyo kung ano itong RA 11709, ito ay isang bagong batas na may kaugnayan sa mga opisyal ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaaring magkaroon ng tinatawag na ‘fixed term’ kapag itinalaga sa mga mataas na posisyon ng AFP maski na inabutan pa sila ng tinatawag na mandatory retirement sa pagsapit nila ng edad 56.

Ang ibig sabihin nito ay kapag ang ating itinalagang AFP chief of staff ay wala pa sa tinatawag na mandatory retirement at naging epektibo ang RA 11709, manunungkulan siya bilang pinuno ng AFP hanggang umabot siya sa edad 59 bago may papalit sa kanya sa nasabing puwesto.

Ginawa ang nasabing batas upang ayusin umano ang tinatawag na “revolving-door policy” sa AFP. Kadalasan kasi ay ilang buwan o walang dalawang taon ang mga heneral na itinalaga bilang AFP chief of staff. Inabutan sila ng mandatory retirement. Dahil dito ay nawawala ang pangmatagalang mga plano na nais ng isang AFP chief of staff para sa kanilang organisasyon.

Kung minsan nga ay nakukuwestiyon pa ang ilan sa mga naging AFP chief of staff na itinalaga ng Pangulo bilang gantimpala sa kanyang loyalidad maski wala pang isang taon na nanungkulan bilang pinakamataas na opisyal ng hukbong sandatahan. Sa madaling salita ay tila ‘napupulitika’ ang AFP dahil dito.

Ayon nga kay dating Senador Panfilo Lacson na nagtapos sa PMA at naging PNP chief na may ranggong heneral, ang RA 11709 ay nagbibigay oportunidad sa mga susunod na mamumuno ng AFP na gumawa ng mga maaaring tawagin na ‘legacy programs’ na hindi magagawa sa loob ng dalawang taon.
Ewan ko ba. Hindi pa epektibo ang nasabing batas ay marami na raw ang kumukuwestiyon nito. Huwag na tayong magplastikan dito. Ang mga may ayaw nito ay ang mga heneral at colonel na maaaring hindi magkaroon ng pagkakataon na ma-promote sa mabigat at sensitibong posisyon sa AFP dahil malalaktawan sila ng tatlong taon.

Tama ba ako o hindi?

Eh, kung titingnan natin ang kabuuan ng mga opisyal ng AFP, ng tatamaan lamang ng RA 11709 ay ang mga heneral na nasa edad 54 at 55 na may ambisyon na maitalaga sa pinakamataas na posisyon sa Army, Navy, Air Force at sa Marines.

Tulad ng pagsasabatas ng RA 10157 (Kindergarten Education Act of 2012) o K to 12, ang mga magulang ay sumunod sa batas kapag ang edad ng anak nila ay inabutan sa anim na taon sa elementarya, apat na taon sa Junior High School at dalawang taon sa Senior High School. Dagdag matrikula ito sa mga magulang ha! Subalit ang diwa ng batas ay upang itaas ang antas ng edukasyon ng kabataan. Nagreklamo ba ang mga magulang? Nagsagawa pa ng pag-amyenda sa batas na ito? Hindi. Suwerte na lang ang mga bata na natapos noong 2012 sa hayskul. Sampung taon lamang ang kailangan bago mag-aral sa kolehiyo.

Ang mahalaga ay tingnan ang diwa ng RA 11709 at hindi personal na maaaring makaapekto sa iilang opisyal sa militar. Ang nasabing batas ay upang matigil ang tinatawag na ‘revolving-door policy’ sa mga heneral na dating binabatikos ng publiko matapos nagkaroon tayo ng EDSA Revolution noong 1986. Paikot-ikot lamang ang mga opisyal sa militar na malapit sa kapangyarihan upang makakuha ng pinakamataas na puwesto sa AFP. Itigil na iyan.

Dapat ay pagalingan sa trabaho at serbisyo sa bayan.

Bigyan natin ng pagkakataon ang RA 11709. Susmaryosep, hindi pa ito epektibo bilang batas ang RA 11709 ay tila pinapaboran na agad ang mga mangilan-ngilan na nag-aalburutong mga heneral sa AFP.