PARA kay Yeng Guiao, hindi pa tapos ang laban kahit matapos ang landmark decision ng Supreme Court hinggil sa nararapat na remittances ng dalawang ahensiya ng pamahalaan sa Philippine Sports Commission (PSC).
Sinabi ni dating Pampanga Congressman at PBA coach Yeng Guiao na kailangang makita ang actual execution ng desisyon na nag-aatas sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na i-remit ang buong halaga ng five percent ng gross income nito sa PSC mula 1993 hanggang sa kasalukuyan, at ang 30 percent ng charity fund ng sweepstakes at lottery draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula 2006 hanggang sa kasalukuyan sa parehong sports funding agency ng pamahalaan.
“Ayaw natin na parang moral victory lang ito. Legally and morally we’re standing on solid grounds. ‘Yung bulk of the work andiyan na, e,” pahayag ni Guiao sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon, kung saan sinamahan siya ng kanyang abogadong si Atty. Avelino ‘Jun’ Guzman Jr.
“We don’t want this decision to become a paper judgement. Ang kailangan talaga dito ‘yung pondo pumasok sa PSC,” dagdag ni Guzman sa session na idinaos sa conference room ng Rizal Memorial Sports Complex at iprinisinta ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at ng ArenaPlus, ang 24/7 sports app ng bansa.
“Kaya ang una talaga natin na dapat gawin ay bantayan ang decision na ito because as far as we’re concerned, nagawa na natin ‘yung pinakamahirap na parte.”
Inilabas ng Supreme Court ang desisyon noong nakaraang linggo na nag-aatas kapwa sa PAGCOR at PCSO na ipalabas ang nararapat na budget allocation sa PSC o walong taon magmula nang ihain ni Guiao, vice chairman noon ng House Committee on Youth and Sports, ang petisyon sa SC.
Isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen ang desisyon na dininig en banc ng 15-man Supreme Court, wala isa sa kanila ang nag-inhibi sa petisyon.
Sa ilalim ng rules, ayon kay Guzman, ay hindi na maaaring iapela ng PAGCOR at PCSO ang desisyon, ngunit may 15 araw para maghain ng motion for reconsideration.
Hanggang kahapon ay wala pang nagiging hakbang ang dalawang ahensiya.
Sa kanyang pagtaya, sinabi ni Guiao na ang PSC ay maaaring makatanggap ng hanggang P25 billion na pondo makaraang ibaba ng PAGCOR ang kontribusyon nito sa 2.1735 percent lamang ng gross income nito simula noong 1993 sa bisa ng executive order mula sa Office of the President na inilabas sa panahon ni Presidente Fidel V. Ramos.
“Ang kuwenta ko, tingin ko nasa P25 billion siya,” sabi ni Guiao, na itinuturing ang desisyon bilang ‘most consequential event’ magmula nang likhain ang PSC noong 1990.
Binigyang-diin ng Rain or Shine coach, na nag-iisang petitioner sa kaso, na ang malaking halaga ng budget ay makatutulong sa pagtatayo ng sports complexes sa buong bansa at sa pagpopondo sa training at campaign ng Filipino athletes sa mga darating na taon.
“Masarap pakinggan, magandang isipin. Pero ang dapat makinabang dito yung mga atleta. Makalimutan na kami, ok lang yun. Pero at least sa next generations of athletes, may na-contribute kami,” said Guiao of this huge contribution he and his lawyer provided for Philippine sports. “Ang dapat lang makinabang diyan yung bayan, yung athletes, at yung sports program sa grassroots level.”
CLYDE MARIANO