MAY pandemya at ang lahat, mayaman man o mahirap ay nabubulid sa alanganin at walang katiyakan, at sa gitna niyan ay ang pamahalaan na bumabalanse sa pangangailangang medikal at kabuhayan ng buong bansa.
Hindi ito ang panahon ng pangangapa kundi ng mga taong may tiyak at subok na serbisyo upang makapamuno.
Kaya marahil mismong si Presidential spokesperson Harry Roque na ang nagpahayag na kuntento si Pangulong Duterte sa pagganap ni Speaker Alan Cayetano sa kanyang mga tungkulin bilang pinuno ng Mababang Kapulungan.
Maaaring tama si Roque na hindi napapanahon ang pagpapalit ng liderato sa Kongreso lalo na kung mapupunta lamang ito sa mga baguhan at walang sapat na karanasan at track record.
Tandaan na sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano ay mabilis na naipasa ang pambansang budget para sa taong 2020.
Mabilis din ang pag-aksiyon ni Cayetano sa pagpasa sa mga batas tulad ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na kinakailangan para labanan ang COVID-19.
Oo nga naman, batid nating maging ang mga revenue-generating at tax reform bills na prayoridad ng Pangulo ay mabilis na naaksiyunan ng Mababang Kapulungan.
Nang tanungin siya tungkol sa opinyon ng Palasyo kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na siyang ka term-sharing ni Cayetano, sinabi ni Roque na maaaring magkaroon ng problema si Velasco dahil sa kakulangan nito ng karanasan at hindi sapat na track record, lalo na at kinakailangan ito upang makagawa ng pagkakasunduan sa mga miyembro ng Kongreso.
Naku po, malaking hambalos ito kay Velasco paano naman kasi busog sa track-record si Cayetano dahil nag-umpisa ito sa serbisyo publiko sa LGU, Kamara, Senado, at naging miyembro pa ng gabinete ni Digong.
Ang masaklap pa nito, ibinunyag ni Roque na tila hindi rin gaanong kilala ng Pangulo si Velasco, lalo na noong nag-uumpisa pa lamang ang termino nito.
At dahil nga greenhorn itong si Velasco e mahirap isipin kung paano ito makakabuo ng consensus.
Comments are closed.