HINDI PINUPULOT SA HANGIN ANG MGA DESISYON NG MMDA SA NUMBER CODING

KAMAKAILAN  ay naglabas ng pahayag ang Metro Manila Development Authority (MMDA) tungkol sa posibleng pagbabago ng polisiya sa tinatawag na Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme kung saan ipinagbabawal ang mga sasakyan sa kalsada sa mga partikular na araw batay sa huling numero ng plaka ng sasakyan. Ayon sa MMDA, maaaring ipatupad ang nasabing bagong polisiya ng number coding pagkatapos ng eleksiyon nitong ika-9 ng Mayo.

Marami ang nagbigay ng reaksiyon at batikos sa pahayag ng MMDA. Magulo raw at nakakalito. May mga nagsasabi pa nga na ano na naman daw ang pumasok sa isip ng mga namumuno sa MMDA at nakapagpasya silang baguhin ang orihinal na sistema ng number coding scheme na nakasanayan na atin at ipinapatupad ilang dekada na ang nakaraan?

Paliwanag ni MMDA chairman Don Artes, pinag-aaralan pa rin nila ang nasabing polisiya. May dalawang opsyon daw ang kanilang tinitignan. Ang una ay ang mga sasakyan na may huling numero sa kanilang plaka na 1, 3, 5, 7, at 9 ay hindi maaaring gamitin sa lansangan mula 7-10 ng umaga at 5-8 ng gabi tuwing Lunes at Huwebes. Samantala, ang sasakyan na may huling numero sa kanilang plaka sa sasakyan na 2, 4, 6, 8, at 0 ay hindi maaaring lumayag sa kalsada tuwing Martes at Biyernes sa nasabing oras. Ngunit tuwing Miyerkoles, wala raw number coding tulad ng Sabado at Linggo.

Ang pangalawang opsyon naman ay maaaring ipagbawal ang sasakyan ng gamitin ng dalawang beses kada linggo. Hindi tulad sa kasalukuyan number coding, isang beses lamang ipinagbabawal gamitin ang ating mga sasakyan.

Kaya ganito ang kalalabasan ng pinag-aaralan nilang opsyon. Tuwing Lunes, bawal ang mga sasakyan na may plaka na ang huling numero ay 1, 2, 3, 4. Sa Martes naman ay mga sasakyan na dulong numero na 5, 6, 7, 8. Miyerkoles ay plate numbers ending sa 9, 0, 1, 2. Huwebes naman ay ang plate numbers ending sa 3, 4, 5, 6 at tuwing Biyernes bawal ang mga sasakyan na may huling numero sa kanilang plaka na 7, 8, 9, 0.

Kaya kung ang sasakyan mo ay may plaka na may huling numero na 1, bawal lumayag ang iyong sasakyan tuwing Lunes at Miyerkoles bilang halimbawa sa pinag-aaralan nilang bagong number coding scheme.

Nakakalito? Nakakapanibago?

Sa totoo lang, ang mga plano at panukala ng MMDA ay upang mabawasan ang trapik sa ating lansangan.

Pinag-aaralan at kumokonsulta sila sa mga dalubhasa sa mga usaping traffic management. Kaya kung mapapansin ninyo, mariin ko na sinasabi na “pinag-aaralan” ng MMDA ang planong ito.

Tinitignan nila sa pamamagitan ng mahusay na pananaliksik kung paano nga maisasaayos ang lumalalang trapik dulot ng dumaraming pasahero at mga sasakyan sa Metro Manila. Dagdag pa rito ay ang kakulangan at mga ginagawang proyektong pang impraestruktura upang makatulong sa pagluwag ng trapiko sa Metro Manila. Isama pa natin ang hindi magandang sistema ng pampublikong sasakyan sa ating bansa. Tandaan, ang karamihan ng mga manggagawa ngayon sa Metro Manila ay nakatira na sa mga karatig lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna. Kaya kung ilang milyong mga pasahero at sasakyan ang pumapasok at lumalabas sa Metro Manila araw araw.

Kaya naman naghahanap ng solusyon ang MMDA upang lutasin ang problema sa traffic. Sana naman ay tingnan din natin ang pananaw ng MMDA at hindi lamang sa personal na pananaw natin. Kailangan pang intindihin at kasanayan ang pagbabago. Hindi ba yan ang sigaw ng karamihan sa atin? Gusto natin ng pagbabago? Kung hindi personal na pabor ang isang kautusan nguni’t makakatulong sa pangkalahatan, bakit hirap tayong magsakripisyo?

Gusto natin ng ginhawa at makahanap ng lunas sa mabigat na trapik. Subalit kung kailangan na magsakripisyo tayo para rito ay ayaw natin. Paano na yan Kuya?!

Ayon sa MMDA, ang pinag-aaralan nilang dalawang opsyon tungkol sa panibagong number coding scheme ay makakabawas umano ng 40% hanggang 50% ng dami ng sasakyan sa lansangan kada araw. Kung ito ay maipatupad, eh di maluwag ang daloy ng trapik?