HINDI RAW NATUTULOG ANG PAGASA, BAKA NAKAIDLIP LANG

magkape muna tayo ulit

MARIING itinanggi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na natutulog daw sila sa kanilang trabaho.

Ito ang kanilang reaksiyon sa sinabi ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda tungkol sa tila pagkukulang ng pagbibigay impormasyon sa publiko sa lakas ng ulan na ibinuhos ng Bagyong Enteng.

Hindi ko masisisi si Rep. Salceda na pumutok ang kanyang butsi dahil nabigla ang mga taga-Albay sa matinding ulan na dinala ni ‘Enteng‘ sa kanilang lugar. Tila nagkulang ang abiso at babala ng PAGASA sa publiko sa maaaring pinsala na idulot ni ‘Enteng’.

At ganoon na nga ang nangyari. Hindi lamang ang lalawigan ng Albay ang nabulaga sa lakas ng ulan ni ‘Enteng’. Ang Metro Manila, Rizal, Laguna at iba pang lalawigan sa hilagang Luzon ay nakaranas ng pambihirang baha sa pagdaan ni ‘Enteng’.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 15 ang namatay at umabot ng P350 million ang pinsala sa agrikultura ng bagyong Enteng. Ma­rami ang hindi naka­paghanda sa lakas ng ulan na ibinuhos ni ‘Enteng’. Sa lalawigan ng Rizal, pati ang matataas na lugar tulad ng mga bayan ng Antipolo, Tanay at Morong ay nakaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Aminin natin. Mara­mi ang hindi nakapaghanda sa Bagyong Enteng.

Nagkulang ang ilang ahensiya ng pamahalaan sa pagbibigay ng babala sa mga LGU tungkol dito. Marahil ang NDRRMC ay nagkulang din ng koordinasyon sa PAGASA o kaya naman hindi nabigyan ng wastong impormasyon ng PAGASA ang NDRRMC sa lakas ng ulan na dala ni ‘Enteng’.

Ayon kay PAGASA Deputy Administrator for Research and Development Marcelino Villafuerte II, hindi sila natutulog sa pansitan.

“Kami po ay 24 oras na sumusubaybay kapag merong mga ganitong inclement weather events. So, gusto po namin ipa­alam na kami po ay hindi natutulog, ano, at gusto po namin ipaalam ang impormasyon, of course, sa ating mga kababayan, lalong-lalo na ‘yung mga maaapektuhan ng pagbaha, ng bagyo, at ng anumang kalamidad,” ang paliwanag ni Villafuerte.

Puwes, kahit na ano pa ang paliwanag ng PAGASA, malinaw na ang publiko ay hindi nakapaghanda o minaliit ang hagupit na dala ni Bagyong Enteng. Magpakatotoo tayo.

Tulad ng sabi ko, hindi natutulog ang PAGASA. Baka nakaidlip lang.