MAKATI CITY – PARA maging makatotohanan ang ikaapat na Metro Manila Shake Drill, nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gawin itong sorpresa upang magsilbi aniyang “mind-setting exercise” at maging alerto sa posibleng pag-atake ng lindol o “The Big One”.
“Walang makakapagsabi kung kailan tatama ang lindol. Dapat ay palagi tayong handa kaya gusto naming unannounced ang shake drill,” pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia.
Pangungunahan ng MMDA at ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council ang ikaapat na Metro Manila Shake Drill na maaaring mangyari anumang araw sa ikatlong linggo ng Hulyo.
Ang shake drill na magtatagal ng tatlong araw ay upang mapataas ang kamalayan ng publiko sa posibilidad ng pagtama ng isang 7.2 magnitude na lindol.
Para naman kay Michael Salalima, Metro Manila Shake Drill Secretariat, maglalabas ng broadcast o text message ang mga telecommunication networks sa kanilang mga subscribers sa mismong araw ng drill.
Hinihimok naman ang mga kompanya, simbahan, paaralan, at iba pang institusyon na patunugin ang kani-kanilang mga sirena habang ang mga istasyon ng radyo naman ay maglalabas ng alerto para magsilbing signal sa pag-uumpisa ng drill sa ikatlo ng hapon.
Umaasa rin si Salalima na sasamantalahin ng iba’t ibang stakeholders ang tatlong araw na drill para mabusisi ang kanilang contingency plans. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.