HAYAAN ninyo akong makapagbigay ng opinyon tungkol sa isang video na nagiging viral na ngayon.
Ito ay kung saan kinuha ni First Lady Liza Araneta Marcos ang inumin ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero at uminom nang bahagya at ibinalik ito kay Escudero. Nangyari ito noong Miyerkoles sa Vin d’Honneur (wine of honor) sa Malacañang bilang bahagi ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Kumalat sa internet ang nasabing video at mabilis na hinusgahan ang pangyayari na nagmistulang waiter si Escudero.
May nagsasabi na ang video ay hindi nagsisinungaling. Subalit nagbigay na ng pahayag ang ating magiting na Senate President.
”I consider waiting on a lady to be gentlemanly. Maaaring sabihin ng iba na maka-luma o parang ‘under’ pero para sakin, hindi kailanman magiging maka-luma o di uso, ano man ang itawag ng iba, ang pagiging maginoo at pakikipagkapwa tao. Hindi minamasama ang anumang pagkakataon na maging at magpaka-maginoo sa sinumang ginang o binibini,” ang paliwanag ng ating Senate President.
Ang masasabi ko lamang sa pahayag ni Escudero ay napakagaling niyang estadista o statesman. Minaliit niya ang nasabing insidente. Pinagbatayan lamang natin ang video. Wala tayo doon. Hindi sapat ang ating impormasyon upang makapagbigay ng wastong paghuhusga sa nasabing insidente.
Tulad ko, maraming katanungan ang nasa aking isipan kung bakit ginawa ito ng ating First Lady. Baka naman sandikit ang dalawa at sinubukang tikman ang inumin ni Escudero? O kaya ay medyo nalito si First Lady sa dami ng mga panauhin na nais makipag-usap sa kanya kaya nakalimutan niyang batiin si Escudero ng kanyang kunin ang nasabing inumin?
Maaaring iba pala ang inumin ng First Lady at nagkamali siya sa pagkuha ng inumin ng ibang tao? Subalit mukhang hindi naman napagkamalan ni First Lady si Escudero bilang isang waiter.
Ang lahat ng mga mga haka-haka at dito ay hihinto kapag naglabas ng pahayag ang Palasyo sa insidenteng ito.
Para naman kay Senate President Escudero, maganda ang kanyang pahayag. Maginoo siya at hindi niya gagawing isang malaking isyu ito. Mas marami pang dapat talakayin at ayusin ang mga lider natin upang umayos ang Pilipinas at hindi pagtuunan masyado ang maling kuha ng inumin.